Pages

Pages

Friday, November 12, 2010

OKA TOKAT! DOPPELGANGER PART I



Mga unang linggo ng Oktubre 2010, ilang linggo pa bago ang Undas.

Nasa opisina ako at tutok sa pagtatawag habang nararamdaman ko rin ang antok. Payapa ang kapaligiran habang ang ibang ka-team ko ay abala rin sa kanilang mga trabaho at habang ang mga CS ay abala rin sa pagtanggap ng kanilang mga tawag.

Habang nagtatawag ako, napapadako ang aking tingin sa station kung saan naroroon ang kabilang team na ibang campaign ang hawak. Mga ilang hakbang din naman ang layo nila mula sa kinaroroonan ng aming team. Tuwing alas-siete ng umaga, isa palang ang naka-duty sa kanila. Palinga-linga ako sa bandang iyon habang may kausap o dili kaya’y habang nag-iiwan ng mensahe sa voicemail ng mga kostumer.

Mga bandang alas-otso ng umaga nang magdesisyon akong pumunta sa CR at magtimpla ng kape. Sa isip ko, “Pagkatapos netong tawag na’to, alis lang ako sandali. Maglalakad-lakad lang ako kasi medyo dinadalaw ako ng antok umagang-umaga pa naman.” Bago pa man ito, nang muling mapadako ang aking paningin sa kabilang station, nakita ko si Ryan na parang kararating palang.

Nakita ko siya na nasa station ni Jomar at nakatayo. Nakasuot siya ng t-shirt. Ang tanging natatandaan ko lang ay ang kulay maroon niyang manggas. Kitang-kita ko siya na habang nakatayo ay inaayos niya ang kanyang gamit sa loob ng kanyang bag. Maya-maya pa ay nakita ko siyang naglalakad papunta sa CR. Ang CR ay malapit lang sa kanilang station. Di naman siya nagmamadali, di naman mabagal ang lakad. Kung pano siya maglakad ay ganun din ang ginawa niyang paglalakad patungo sa CR.

Pagkatapos ng ginagawa ko, tumayo ako sa kinauupuan ko para pumunta sa CR. Nang mga oras na yaon ay dalawa na ang naka-duty sa kanila. Pumunta ako malapit sa station na kinaroroonan ni Gina na kahilera lang ng station ni Jomar kung saan ko nakitang nakatayo si Ryan. Wala siyang kausap kaya naman nagawa kong makipagkwentuhan sa kanya ng ilang minuto. Ilang segundo pa, minabuti kong bumalik sa aking station para iwan ang aking relos para hindi mabasa. Nang bumalik ako sa may station ni Gina, nagkwentuhan pa kami ng ilang minuto kasi hindi pa rin naman lumalabas ng CR si Ryan. Nag-antay pa ako ng ilang minuto.

Ilan pang segundo ay nakita ko si Dino, isang collector agent na papunta sa CR. Di ko lang siya masyadong pinansin kasi alam kong nasa loob pa si Ryan. Ngunit laking gulat ko ng mabuksan niya ang pinto at tuluy-tuloy na pumasok sa CR.

Isang malaking tanong ang bumungad sa isip ko, “Saan na si Ryan na nasa loob ng CR kanina pa?” Kitang-kita ko siya kanina na ang tinatahak niyang direksyon ay ang papuntang CR. Wala rin naman siyang ibang pupuntahan liban sa CR sa dakong iyon.

Biglang hinarap ko si Gina sabay tanong, “Di ba nasa loob ng CR si Ryan? Nakita ko siya kanina na papuntang CR kaya di muna ako pumapasok sa loob.”

Parang gulat din si Gina sa tanong ko. Sabi niya, hindi niya raw nakita si Ryan. Sabi pa niya, “Teka, check ko lang ang schedule niya kasi alam ko, wala siyang pasok sabi niya kahapon.”

Laking gulat ko rin nang malaman kong wala ngang pasok si Ryan ng araw na iyon. Sa kabila ng pangyayaring iyon, pumasok pa rin ako sa CR na parang walang nangyari.

Naalala ko tuloy ang isang ring karanasan ng isang CS sa 27th floor. Naka-duty siya ng pang-gabi at ayon sa kwento, nakausap niya ata yung isang babaeng CS sa loob ng CR ngunit ang naturang CS ay walang pasok ng gabing iyon.

1 comment:

  1. marami talagang ganitong mga experiences sa mga call center. ewan ko ba anong meron sa mga call center bakit naattract ang mga ganyang espiritu/entity.

    ReplyDelete