Pages

Pages

Saturday, January 8, 2011

USAPANG PUSO SA PUSO (PART I)



College palang, medyo di na normal ang bp ng puso ko kung iaayon ito sa gulang ko. Nalaman ko yun nang dalhin ako ng nanay sa isang klinika nang minsang nagkasakit ako. Mula noon, natatakot na ako tuwing kukunan ng bp. Lagi na akong kinakabahan. Sa murang edad, naging conscious ako sa dapat kung kainin. Iwasan ang maaalat, matataba at ang kanin (rice). Naging instant favorite ko tuloy ang suka at bawang na gustung-gusto rin ng tatay ko. (Pero ayoko talaga ng suka, di ko gusto ang amoy. Makaamoy lang ako sa paligid nang may kumakain kasabay ang suka, parang gusto kong lumayo). Kailangang gumalaw-galaw kaya naman kinarir ko ang paglalampaso ng sahig.

Sa edad na labing-walo, nagsimula na akong magtrabaho pagkatapos ng kolehiyo. First job. Kailangan ng medical certificate. Akala ko nga nun, bagsak ako. Nagtaka rin yung namamahala sa pagsusuri para sa medical certificate, bakit daw ganun ang bp ko.

Maraming taon na ang lumipas. Dalawamput-anim na ako sa Agosto ng taong ito. At sa pagitan ng mga taong iyon, tila nawala sa isip ko ang aking puso. Di ko man regular na nalalaman ang bp ko pero dahil sa walang nararamdaman, hindi ko yun naisip.

Masarap kayang kumain. Laking Bicol pa naman ako kaya naman mahilig ako sa may gata. Masarap kumain ng baboy pero di ako kumakain ng taba. At siyempre pa, ang pinakapaborito at halos-halos ulam ko sa opisina araw-araw, ang fried chicken ng Mini Stop. May mga pagkakaton pa nga na dalawang beses ako kumain ng fried chicken ng Mini Stop sa isang araw. Walang kasawa-sawa. Masarap naman kasi ang fried chicken nila. Mas gusto ko pa nga yun kaysa ibang fast food chains. Pero siyempre huwag lang lumamig, kumukunat kasi at hindi ko na siya nagugustuhan.

Setyembre 2010. Dalawang araw akong walang pasok; Linggo at Lunes. At nung ikalawang araw, nakatulog ako sa tanghali. Mga bandang alas-quatro ng hapon nang magising ako. May nararamdam akong tila kakaiba. Yung pakiramdam nang may hang-over. Ganun ang pakiramdam ko. Parang lutang sa hangin ang utak ko. Hindi naman ako nahihilo. Sumasakit ang ulo ko pero nadadala pa naman. Inakala ko lang na dahil nabigla akong napabangon sa higaan kaya ganun. May mga ganung eksena rin kasi di ba? O kaya dahil bagong gising ako...

Pamilyar na rin ako sa heartburn. Naku... madalas itong mangyari sa'kin sa madaling-araw kaya naman asar na asar ako. Ang ginagawa ko kasi kapag inaatake nito, kailangan kong uminom ng tubig para yung sakit sa dibdib (hindi naman halos masakit kasi nadadala naman) ay mawala tila baga mga basura na tinatanggay ng baha. Kapag inatake ako nito habang natutulog, tamad na tamad akong bumangon. Halos mag-away ang katawan at diwa ko kung babangon ako o hindi.

Mga unang buwan naman nang nagdaang taon bago ang Setyembre, sinubukan kong magpakuha ng bp sa klinika pagkatapos ng ilang taon. Ayaw ko mang asahan ngunit parang multo na bumabalik-balik sa aking ulirat. Medyo may kataasan ang bp ko ng hapon na iyon, sa tamang tanda ko, mga 140/100. Dumaan lang naman talaga ako sa klinika at wala naman sa plano ko na bigyang halaga ang ganong bagay ng mga oras na iyon. Magkikita kasi kami ng kaibigan ko sa mall. Late na nga ako kaya naman doble late ako dahil para akong isang pasahero sa eroplano na nakunan ng kung anumang bagay na ipinagbabawal at kailangan kong iditine pansamantala para sa isang masusing imbestigasyon. Pinainom ako ni Dok ng kalahating tableta ng Neobloc. Pinag-antay ako ng tatlumpung minuto sa loob ng klinika at pagkatapos, muli niyang kinuha ng bp ko. Kahit paano'y tumalab yung gamot at bumaba yung bp ko.

Lumipas ang Martes at Miyerkules mula ng maramdaman ko yung tila hang-over, ngunit parang ikalawang araw na ata at ganun pa rin ang nararamdam ko. Sumasakit talaga ang ulo ko. Parang masarap humiga at matulog. Pagkatapos ng breyk sa tanghali, dun ko nararamdaman yung sakit ng ulo hanggang pauwi. Nakasakay ako nun sa fx pauwi at ramdam ko pa rin ang sakit ng ulo. Kaya naman naisip ko nang magpatingin kay Dok. May pagka-paranoid pa naman ako kaya naman akala ko tuloy baka kung ano na ang sakit ko sa ulo. Tulad ng mga masasaklap at hindi kanais-nais na mga pangyayaring naganap sa kasaysayan sa araw ng Biyernes, Biyernes din nang pumunta ako kay Dok at bingo... tumaas ang bp ko (150/100) kaya naman pala tila may hang-over ang ulo ko mula nung Lunes na iyon. Walang kaabog-abog si Dok sa pagbigay sa'kin ng reseta, Amlodopine. Dalawang tableta sa isang araw. Sumunod na dalawang araw---Linggo, nagpakuha ako ng bp sa ibang klinika at sa tanda ko, bumaba naman iyon sa 130/90. Pagkatapos ng isang linggo, bumalik ako kay Dok. Tila napakaliit ng pagbabago sa mga numero. Hindi ako sigurado ngunit nagrehistro ata yun sa 140/90. Mataas pa rin anang ni Dok. Kaya naman ipinayo na rin niya na magtungo ako sa ospital para sa pagsusuri ng dugo at para maeksamin. Yung gamot na tableta, tuloy pa rin.

Nang makuha ko na ang mga resulta sa ospital, ipinakita ko kay Dok. Nakakalungkot mang isipin ngunit hindi rin kaaya-aya ang naging mga resulta lalo na sa lipid profile ko. Kaya naman yung Amlodopine, kinonsidera kong bagong bagay na importante sa'kin hanggang sa kung kelan. Konsolasyon na lang siguro dahil napakamura lang naman nito sa botika. Mas mahal pa nga yung shampoo sachet at lalo namang mas mura sa maliit na Chippy.

Nabasa ko yung mga side effects ng Amlodopine at tila hindi siya magandang impluwensiya kapag nagtagal. Isa sa hindi magandang dulot nito ay sakit ng ulo. Di ko tuloy malaman kung kailan ako inaatake o kung dulot lang iyon ng gamot. Kaya naman, parang saulian ng kandila, nagpapalit ako ng gamot kay Dok dahil hindi ako hiyang sa nauna. Ipinalit niya ang Metoprolol na kasing mura din ng nauna. Nahirapan pa akong bigkasin nung una kong marinig ang gamot. At dahil may kataasan ang Low density lipoprotein cholesterol (LDL-C) ko, dagdag reseta ni Dok ang Simvastatin na may kamahalan na rin sa presyong higit sa sampung piso isa.

Makalipas ang isang buwan, nagpasuri ulit ako ng dugo. Medyo may pagbabago sa mga numero dahil bumaba ang mga bilang ng kolesterol ko ngunit kasabay naman nito ang pagbaba ng High density lipoprotein cholesterol (HDL-C) ko. Ngunit sa pagkakataong ito, umakyat ang aking Triglycerides.

Kaya naman pagkatapos ng Simvastatin, pumalit ang Gemfibrozil na higit sampung piso rin kada tableta. Isang buwan rin ito at pagkatapos, eksamin ulit.

Mula Setyembre ng nakaraang taon, alalay ako sa pagkain. Ang mga alam kong bawal kainin, iniwasan ko talaga kahit paano. Todo kain din ako ng oatmeal. Mula umaga, tanghali at pati gabi, nasubukan kong iyon lang ang kakainin. Nakakasawa talaga... nakakasuka pa! Yung fried chicken sa Mini Stop, iniwasan ko na rin. Medyo mapili pa naman ako sa pagkain. Kahit yung mga ulam sa karinderya, iniwasan ko rin. Pati mantikang gagamitin, dapat 0% cholesterol. Pati junkfoods, hanggat maaari wala ring kolesterol.


Ika-pito ng Enero 2011, nagpunta ako ng klinika kasi lumala yung sore throat ko. At mahigit isang buwan na rin nang huli kong pakuha ng bp kay Dok dahil pang-gabi na ang pasok ko. Wala pa akong tulog nun kaya naman 140/100 ang bp ko. 

Minsan, parang nagdududa na rin ako kay Dok kung tama pa ba yung aparato niya sa pagkuha ng bp. Kasi nung kinunan ako ng bp ng isang cardiologist sa St. Luke's (mga bandang Nobyembre ng 2010), napakanormal ng bp ko sa rehistrong 120/80. At nung Disyembre 2010 naman (dahil nagpa-rehab ako sa St. Luke's), normal din yung bp ko. 

Hindi na rin nakapagtataka na sa murang gulang ay nararanasan ko na ang hypertension. Hindi lingid sa'kin na may history sa'min nito. Ang lolo ko, nagkaroon nito. Hindi ko lang alam sa tatay ko dahil wala naman akong nalaman sa kanya hanggang sa iwanan niya kami at nagbiyaheng langit. Ngunit ang nanay ko naman ay nakakaramdam nito. Nagpapasalamat na rin ako sa kabila nito dahil maaga akong namulat na kailangang maging maingat sa lahat ng bagay kung kalusugan ang pag-uusapan. Iyon ang pinakamagandang aral lalo kung usapang puso sa puso...



 
Rx Amlodopine


ECG 09/14/2010


ECG 09/14/2010


ECG 09/14/2010



Xray 09/14/2010


Lipid Profile 09/14/2010


Lipid Profile 11/15/2010


Rx Metoprolol


Rx Simvastatin

No comments:

Post a Comment