Pages

Pages

Saturday, March 12, 2011

WAY BACK HOME: ANG PAG-UWI


Mga bandang alas-nueve ng umaga nang umalis ako sa bahay. Sakay ng taxi, higit kumulang cuarenta y cinco minutos ang lumipas bago ako nakarating sa NAIA 3. Marami na ring nakapila papasok sa naturang terminal. Inilagay ko ang mga gamit papasok sa x-ray machine at pagkatapos ay tumayo ako sa bukana para mainspeksyon. 

Nang tuluyan na akong makapasok at makuha ang mga gamit ko, sinita ako ng babaeng namamahala sa x-ray machine. "May check-in luggage ka ba?" "Oo.", sagot ko. "Saan?", dagdag ng babae. Sinabi ko yung nasa brown bag ko.

Naku, mukhang nanganganib na makumpiska yung mga dala-dala kong seis na botelya ng pabango na higit pa naman sa 100ml ang mga lalagyan. 

Dahil linggo, maraming tao sa airport. Hinanap ko ang Cebu Pacific. May mga mahahabang pila papunta sa iba't-ibang destinasyon. Ngunit kahit iisa lang ang nadatnan kong nakapila papuntang Legaspi, di pa rin ako kaagad na naestima. Ilang minuto pa akong nag-antay dahil umalis yung crew. Sa kaliwa ko (di ko maalala yung destinasyon), may naulinigan akong komosyon. Isang mag-asawang banyaga ang nakikipagdiskusyon sa babaeng crew ng Cebu Pacific. Sa pagkakaintindi ko, nawawala ang passport ng naturang mga banyaga. Malaking problema nga. Sa tantiya ko, taga bandang Europa ang mag-asawa dahil iba ang accent ng kanilang Ingles. 

Sinisisi nila ang babaeng crew sa pagkawala ng kanilang passport. Inilagay lang daw nila ang kanilang passport sa counter at sa di malamang rason, ay nawala. Todo halungkat naman ang babaeng asawa ng banyaga sa kanilang bag. Hanggang sa dumating ang tila bisor ng crew. Kinausap ang lalaking banyaga at todo depensa na nawala ang kanilang passport matapos nilang ilagay sa counter ng babae. Sinamahan ng bisor ang lalaki sa Information para sa naturang complaint at bago sila umalis sa pila, pinapunta naman ako ng bisor sa pila para ako muna ang maestima.

Ipinakita ko ang aking Itinerary Receipt at ID at ibinigay naman sa'kin ng babae ang aking seat number. Dagdag pa niya, "Sir itago niyo na po yan at bago yan naman ang mawala." 

Dahil nangangamba akong makumpiska ang aking dala-dalahing mga pabango, tinanong ko yung crew. "Miss, may check-in luggage ba ako?" Buti na lang pala at noong bumili ako ng ticket, naisama ko na yung sa check-in. Tinanong ko rin yung sa hand carry ko dahil nasa loob nun ang isa pang pabango. Sana pala inilagay ko na lang lahat dun sa isang bag para isa lang yung naka-check in ko. "Sir ilang ml po ba yun?", tanung ng crew.

Nagdesisyon na lang ako na yung dalawang bag ko ang ipa-check in para wala na rin akong bibitbitin habang lulan ng eroplano.

Hinanap ko yung boarding entrance dahil hindi ko na maalala kung saan iyon. Palinga-linga ako. Nagmasid sa paligid at sa iba pang pasahero. Nang may makita akong mamang tila papunta sa naturang boarding entrance, sinundan ko siya. Ngunit international flight pala iyon. Itinuro ako ng tila guwardiya doon sa domestic flight. Pumasok ako sa boarding entrance at nagbayad ng boarding pass.

Ang ayaw ko talaga kapag sasakay ng eroplano ay ang paghuhubad ng sapatos bago tuluyang makapasok sa mga gates pasakay ng eroplano. Buti sana kung nakatsinelas lang ako. Inilagay ko na lang lahat ng dala ko sa x-ray machine, pati wallet ko inilagay ko na rin (ngunit hindi naman na kailangan). 

Medyo napaaga ng isa't kalahating oras ang dating ko dahil 12:35 pa ng tanghali ang flight ko. Dumiretso lang ako sa loob. Hindi ko tinignan yung boarding pass kung saang gate ako dapat pumunta. Basta tinignan ko lang yung mga monitor sa bawat gates kung saang destinasyon hanggang sa mapunta ako sa gate 119. 

Antay. Antay. Antay. Hindi naman ako masyadong nainip. Buti na lang at may  free  wi-fi na doon sa lugar kaya naman nagamit ko ang cellphone pamatay oras. Noong nakaraang taon kasi, dun sa may mga gates papasok ng eroplano, wala pang free wifi. Mayroon lang free wi-fi doon sa may mga stalls at coffee shops. 

Mga ilang minuto bago ang aking boarding time, saka ko lang narealize na doon pala dapat ako sa gate 118 naghihintay ng flight ko. Kaya naman, tumayo ako mula sa pagkaka-upo at naglakad patungong 118. Mga ilang minuto pa akong nag-antay. Maya-maya pa'y umalingaw-ngaw ang boses ng isang babae at nagsasabing yung mga pasahero ng flight patungong Legaspi ay kailangang lumipat sa gate 117. Kaya naman lipat na naman ako ng gate.

Akala ko yung gate 117 ay diretso na sa loob ng eroplano. Ngunit kaming lahat ay  bababa pa pala mula sa hagdan. May isang crew na siyang umaalalay sa mga pasahero pasakay ng isang shuttle na patungo naman sa kinaroroonan ng eroplano. Mainit pa naman ang panahon at yung shuttle ay hindi man lang air-conditioned. 

Liban doon ay wala namang ibang naging problema. Marami rin akong nakasakay na banyaga sa flight na yaon. 

Paglapag sa Legaspi airport at pagkakuha ko ng mga gamit, diretso kaagad ako sa labas para sumakay ng tricycle papuntang terminal. Mula terminal, sumakay ako ng fx. Isang oras din ang biyahe. Pagkatapos ng fx, sumakay uli ako ng tricycle papunta na sa'min. Pasado alas cuatro nang hapon nang dumating ako sa bahay.

No comments:

Post a Comment