Pages

Pages

Saturday, July 30, 2011

HULYO DIECIOCHO: ANG SORE THROAT AT ANG HARRY POTTER 3D







Lunes. Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para maaga akong makatapos sa trabaho. Hanggat maaari ay kailangan kong makaalis ng opisina ng alas-tres.

Umaga nang araw na ito ay muli akong nakaramdam ng sore throat na nagsimula pa nang nagdaang araw. Hanggat maaari ay iniiwasan kong magkasore throat mula nang lumala ang tonsilitis ko noong Enero. Buti na lang ang sore throat ko ngayon ay hindi naman gaanong masakit tulad ng nauna kong mga sore throat na labis kong ikinabahala. May nararamdaman akong kirot sa parteng kanang baba ng aking lalamunan sa tuwing lulunok ako ng laway o kaya'y iinom ng tubig. Datapwa't walang sakit kung ako'y lulunok ng pagkain. 

Tanghali nang bisitahin ko si dok (company doctor) para ipakita sa kanya ang aking blood test result. Sabi ni dok, kailangan kong pababain ang aking kolesterol. Pinatingin ko rin sa kanya ang aking lalamunan. Aniya, namumula ang aking tonsils. Wala naman siyang iniresetang gamot. Naisip ko rin na gagaling din naman ito sa mga susunod na araw. Nang mabanggit ko sa kanya na nang nagdaang araw ay kumain ako ng doughnut at napakain din ako ng leche flan, sabi ni dok, nakaka-irritate ang doughnut sa throat, idagdag pa yung pagkain ko ng leche flan. Kaya naman, ipinangako kong hinding-hindi na ako kakain ng kahit anong matatamis na pagkain. 

Pumatak ang alas-tres ng hapon. Mabuti naman at nakisabay ang pagkakataon para makatapos kaagad ako sa trabaho. Dali-dali akong naghanda ng aking sarili. Mga magaalas-tres y media nang tuluyan kong lisanin ang opisina.

Napagkasunduan namin nina Leah at Paul na sa Gateway Mall na lang kami manood ng sine. 3D ang panonoorin namin at siyang unang pagkakataon ko. Nauna na sina Leah at Paul sa Gateway at inaantay ako. Alas-cuatro cuarenta pa naman ata yung simula ng Harry Potter and the Deathly Hallows sa Cinema 5 at makakahabol pa naman ako. Tutal, nagpareserve na rin ng tickets si Leah.

At sa wakas dumating na ang pagkakataon. Ang pinanabikan at pinakaaantay kong pelikula ng Harry Potter ay napanuod ko sa 3D. Sa kabuuan, walang itatapon ang pelikula. Mahaba ang itinakbo ng kwento at ang bawat eksena ay kapana-panabik. Sulit na sulit ang halagang doscientos ochenta kada isa para mapanuod ang pelikula sa 3D.

Pagkatapos manood ng sine, nagdesisyon kaming kumain. Halos libutin namin ang Araneta sa paghahanap ng makakainang papabor sa'kin. Bawal ang karne sa'kin sa mga araw na ito dahil soft diet pa rin ako. Wala rin kaming nahanap na seafood sana ang inihahanda. Kaya naman, nauwi kami sa Goldilocks sa loob ng Ali Mall. Ang kinain ko, sinigang na bangus belly. Sa totoo lang, yun ang unang pagkakataon kong kumain sa Goldilocks, mas gusto ko kasi ang Red Ribbon. Datapwa't, nagustuhan ko ang sinigang na bangus belly nila. Ika nga, mura na, masarap pa.

Mga quince minutos bago magalas-nueve nang magpasya kaming umuwi. Dumaan kami ni Leah sa Mercury Drug Aurora para bumili ng Laxatrol. Iinom ako nito sa pangalawang pagkakataon. Iniisip ko pa lang, nasusuka na ako.

No comments:

Post a Comment