Hindi ko kinahiligan ang manuod ng mga concert. Ang ibig kong sabihing concert ay yaong ginaganap sa isang malaking lugar at may ticket na nagkakahalaga ng libu-libo. Lalo namang hindi ako fan ng isang diva para manuod ng concert. Ngunit kagabi lang, nag-abala talaga akong manuod ng concert ni Regine Velasquez na ginanap sa Arena ng Mall of Asia. Hindi ako nakahindi sa paanyaya ng mga kaibigan kong sina Lea at Paul na kahit hindi na kami magkakasama sa isang call center, nagagawa pa rin naming magkita-kita.
Hindi man naging matagumpay ang nasabing concert ni Regine dahil wala siyang boses at ilang beses siyang pumiyok at namaos, buong pakumbaba siyang humingi ng paumanhin sa mga libu-libong nag-abalang manuod kagabi. Humanga tuloy ako sa kababaan ng kanyang loob. Hindi man naabot ng songbird ang mga nota ng kanta, tila isang teleserye ang nakita ko kagabi sa madamdaming pagtanggap ng mga tao sa kanya. Naging malakas pa rin ang mga palakpakan at hiyawan.
Kaya naman, sa bibig na rin ni Regine nanggaling na mauulit ang kanyang Silver Concert at libre sa mga may ticket ng kanyang concert kagabi.
No comments:
Post a Comment