Pages

Pages

Sunday, March 27, 2011

MGA KARANASAN SA JEEP: ANG BASAHAN


Isang hapon, pauwi naman ako mula sa trabaho. Mula Shaw Boulevard, sumakay ako ng jeep papuntang Altura Sta. Mesa (biyaheng Pasig-Quiapo).

Sa kahabaan ng V. Mapa, may sumakay na batang lalaki na nagpupunas ng sapatos o sandalyas ng mga pasahero.

Kung ang ilan sa mga namamalimos ay gumagamit ng sobre, may ilang bata naman na para makahingi ng kahit barya, ay maglilinis ng window shield ng mga sasakyan. Nakikipagpatintero sa gitna ng kalsada kapalit ng baryang kanilang makukuha.

Nasa entrada ako ng jeep at ang batang ito ay kaagad na pinunasan ng kanyang bahasan ang aking sapatos. Isang napakabilis na dantay ng bahasan sa sapatos at sa kabilang pasahero naman siya lumipat.

Hindi mo nga malaman kung linis ba talaga ang ginagawa ng batang ito at ng ipa pa niyang kaparehas o naghahatid ng dumi sa sapatos.

Datapuwa't, kahabag-habag nga naman ang ganoong eksena. Isang batang walang muang na dapat ay nasa silid-aralan para mag-aral; ang damit ay hindi tinahi sa karangyaan; tila gutom at uhaw dahil sa pagal; at waring mapagkumbabang nagpupunas ng sandalyas ng kanyang panginoon.

Nang dumantay ang kanyang basahan, kaagad kong inilayo ang aking sapatos at nagpatuloy siya sa ibang pasahero.

Tila sa kamalasan, kahit piso'y walang nagbigay sa bata. Nagdesisyon siyang bumaba na lang ng jeep.

Ilang hakbang na lang at tatalon na siya sa jeep nang bigla ba namang apakan nito ang aking sapatos. Ibinunton ng bata sa sapatos ko ang kanyang kamalasan. Kung tinadyakan ko kaya siya pababa ng jeep?

No comments:

Post a Comment