Pages

Pages

Sunday, March 27, 2011

MGA KARANASAN SA JEEP: ANG TINEDYER



Madaling araw naman at papasok ako sa trabaho. Ang daan ko ay mula Altura Sta. Mesa papuntang San Miguel Ave sa Ortigas.

Bago umalis ng bahay, minabuti kong iwan na lang ang aking wallet. Wala na rin namang masyadong laman iyon. Tutal kritikal na ang mga araw na iyon.  Ibig sabihin, paubos na ang pera at naghihintay na lang uli ng sahod. 

Habang naglalakad ako sa taas ng tulay ng Altura, nasulyapan ko ang ilang mga kabataang tila may inaantay sa kalsada. Bumaba ako ng tulay at dumiretso sa may sakayan. Ilang minuto rin akong naghintay bago ako sumasakay sa jeep.

Palinga-linga ang mga nasabing kabataan at palakad-lakad sa gilid ng kalsada. Nang pasakay na ako ng jeep, nakasunod pala ang isa sa mga kabataang iyon sa aking likuran. Hanggang sa makaupo ako sa loob ng jeep, mga ilang upuan mula sa entrada ng jeep.

Ilang segundo pa lang nang makaupo ako ng biglang sumigaw ang isang babaeng nurse. Nakaupo siya sa kabilang hilera ng mga upuan, marahil pangalawa mula sa entrada ng jeep.

Ang tinedyer na nakasunod sa'kin kanina ay bahagyang umakyat sa jeep at lakas-loob na inaagaw ang bag ng nasabing babae. Buti na lang at mahigpit din ang pagkakahawak ng babae sa kanyang gamit at nabigo ang tinedyer sa kanyang balakin. At buti na rin lang, hindi ko dinala ang aking wallet na kalimitang nakalagay sa aking likuran dahil maaaring nang paayat pa lang ako ng jeep, siguradong hahablutin ng tinedyer na iyon ang aking wallet. 

Sa sarili ko'y nagpupuyos ako sa galit. Marahil kung ako ang katabi ng babae o nasa malapit sa entrada, ang sarap sigurong tadyakan o sipa-sipain ng tinedyer na iyon palabas ng jeep. Sobrang lakas ng loob na kung iisipin ay ilang metro lang ay istasyon nang pulis.

No comments:

Post a Comment