Pages

Pages

Saturday, March 19, 2011

MGA KARANASAN SA JEEP: ANG BAG



Bihira na akong sumakay ng jeep mula nang malaslas ang isang bag ko nang minsang sumakay ako dito. Simula noon, hangga't maaari, hinding-hindi ako sasakay ng jeep; que se joda ng maghintay ng fx. 

Weekend ng umaga galing ako sa isang house party (graduation namin mula sa training) nang sumakay ako ng jeep mula sa North Edsa papuntang Espanya. 

Sumatutal, sa pagkakaalala ko, mga anim hanggang pito lang ang sakay ng naturang jeep. Sa kabilang upuan, nakaupo ang mag-ina; isang estudyante sa kolehiyo kasama ang kanyang ina. 

Sa hilera nila, ay isa o dalawang mama ang nakaupo. Ako naman ay sa kabilang upuan at napapagitnaan ng dalawa o tatlong lalaki na kasamahan pala ng mama sa kabilang upuan. Nasa hustong gulang na ang mga naturang lalaki na ang mga hitsura ay tila mga de pamilya na. May dala silang mga back pack at nakapatong sa kanilang mga hita. 

Dahil wala ako sa tamang wisyo dulot na rin ng walang sapat na tulog, wala akong masyadong naging pakialam sa mga katabi kong mama. Habang binabagtas ng jeep ang ruta papuntang Espanya, napansin kong tila masyado naman akong sinisiksik ng mga naturang mama na kung susumahin, napakalawak pa ng espasyo ng upuan. Dala ko noon ang isang body bag na kakabili ko lang sa Mossimo. Medyo may kamahalan pa man din ang halaga ng naturang bag. Hindi ko naman inaasahan ang mga ganoong pangyayari lalo na sa mga ganoong oras (malapit ng magtanghali) kaya naman yung bag ko ay nakalagay lang sa aking tagiliran. Kinakabahan na rin ako ng mga sandaling iyon kaya naman inilatag ko ang aking bag sa aking hita. 

Ngunit hindi pa rin ako nakalusot. Naisip ko na tila may hindi kagandahang ginawa ang mga gagong iyon sa'kin. Masyadong praktisado at magaan ang kamay ng mamang nasa kaliwa ko kayat hindi ko namamalayan na hinihiwa na niya pala ang aking bag at sinisimulan ng kapain ang mga laman nito. 

Tila nakaramdam o nakita ng babaeng estudyante ang ginagawa sa'kin ng mama kaya naman ura-urada, kahit malayo pa ang dapat nilang babaan, pinara niya ang jeep at niyaya ang kanyang ina na bumaba. Nakita ko yung mamang kahilera nila sa upuan at tila ngumisi doon sa mamang katabi ko. Napornada ang balak nila doon sa mag-ina kung meron man. Ngunit sa'kin, nasimulan na nila ang kanilang plano. Hindi ko malaman ang aking gagawin. May takot na akong naramdam dahil kung iisipin, ako na lang ang pasaherong naiwang sakay ng jeep at katabi ko pa ang ilan sa kanila at magagawa nila ang kahit anong naisin nila. 

Ilang sandali pa, bago pa man dumating sa may Welcome Rotonda, naglakas-loob na akong bumaba ng jeep. Pagkababa, nangangatog ako sa takot. Hindi ko magawang maglakad nang maayos. Nang makalayo na ang jeep, tinignan ko ang aking bag. Nanlumo ako sa aking nakita. Ilang laslas ang tinamo ng aking bag. Agad kong tinignan ang mga laman ng aking bag. Buti na lang at hindi nakuha ang wallet at cellphone ko. 

Mga gagong iyon! Ang lalakas ng loob! Sa totoo lang, yung binabaan ko noon ay malapit na rin sa istasyon ng pulis. Gusto ko sanang sumigaw o magsumbong sa pulis ngunit hindi ko na rin ginawa.

1 comment:

  1. Dito ko nga muna isave yung mga impt things sa buhay ko:

    http://www.symbianize.com/showthread.php?t=322902&highlight=e72

    http://cer.opda.cn

    ReplyDelete