Pages

Pages

Sunday, March 27, 2011

MGA KARANASAN SA JEEP: MAGKAPATID


Sa isang pang pagkakataon, gabi at galing ata ako noon sa SM North. Sumakay ako sa isang jeep mula North Edsa papuntang Espanya. Ilan sa mga pasahero ay isang lolo na nakasuot ng pormal (white long sleeve), isang lalaki na mas matanda sa'kin (siguro sa pagitan ng 26 hanggang 29 at may magandang pangangatawan), isang babae na naka-skirt at isang lalaki na kuya pala ng una.

Habang binabagtas ng jeep ang West Ave papuntang Quezon Ave, nagkaroon ng tensyon sa loob ng jeep.

Hinipuan daw ng lolo ang babaeng naka-skirt at agad na nagsumbong sa kanyang kuya. Sumaklolo naman si kuya para sitahin ang lolo.

"Ikaw na matanda ka, umayos ka! Parang wala kang pinagkatandaan!" Pagalit na sambit ng galit na galit na kuya.

Mahinahon naman ang lolo. Matanda na rin siya (siguro edad 80). Sa mahinahon at mahina niyang boses, sinubukan niyang magpaliwanag ngunit nilamon lang siya ng umuusok sa galit ng kuya. Kaya naman, wala na ring nagawa ang matanda at tinitigan na lang ang magkapatid.

Ang nagpalubha sa tensyon ay nang may binunot sa kanyang tagiliran ang kuya ng babae at sabay tutok sa matanda. Pinagbantaan nito ang huli. Hindi naman natinag ang lolo at nanatiling walang kalaban-laban sa magkapatid. Tahimik at walang bahid ng anumang silakbo.

Kinabahan na rin ako nang sandaling iyon. Natatakot akong madamay sa away na iyon at kung mamalasin pa'y, baka matamaan pa ako ng armas nang nagngangalit na kuya. Sa aking tabi, ang lalaking mas matanda sa'kin at may magandang pangangatawan ay dali-daling pinara ang jeep at tumalilis sa pagbaba ng sasakyan. Mas natakot pa sa lolo at sa'kin ang binatilyo (kung wala man siyang asawa pa) na kung tutuusin ay mas malakas pa sa'min ng lolo.

Gustuhin ko man sanang bumaba na rin ng naturang jeep ngunit hindi ako makakilos dahil na rin sa takot. Nanatili ako sa loob ng jeep hanggang sa makababa ako. Buti na lang at walang ibang nangyari sa biyaheng iyon.

1 comment: