Hiniling kong walang
pasok sa araw na ito para makapanuod ng ikalawang bahagi ng Harry
Potter and the Deathly Hallows. Hulyo quince ang unang araw ng
pagpapalabas nito sa mga sinehan (na siya namang alam ko) ngunit mas naunang
ipalabas ito sa Maynila ng isang araw. Hulyo catorce pa lang, pinilahan na ang
nasabing pelikula sa mga sinehan ng Maynila. Maraming tao ang nag-aabang sa
pelikulang ito kaya naman asahan mong sandamakmak ang mga panatikong manunuod
nito. Ang Hulyo quince ay Biyernes, ang araw na kung kailan abala ako sa
trabaho. Kaya naman, di ko ninais na manuod sa araw na ito dahil inaasahan kong
di naman kaagad ako makakauwi ng maaga. Ayoko rin namang manuod nang
gabing-gabi na.
Sina
Paul at Leah ang lagi kong kasama kapag manonuod ng Harry Potter.
Taong dos mil siete nang magkakasama kami sa isang call center. Ako
na lang ang naiwan sa aming tatlo (ngunit may dalawa pa naman akong kasamahan
na kabatch namin) at silang dalawa ay pawang nagsipagbitiw
na. Datapwat, magmula nang una kaming makapanuod ng Harry Potter sa
pelikula, walang pagkakataon na hindi kami nanuod ng hindi magkakasama. Kung
tama ang aking pagkakaalala, ang unang pelikula ng Harry Potter na
aming napanuod ay ang Order of the Phoenix (ipinalabas noong
Hulyo dos mil siete).
Ngunit sa hindi
inaasahang pagkakataon, hindi matutuloy ang balak kong manuod kami ng Sabado,
Hulyo dieciseis. Nauna kong napagsabihan si Leah na manuod kami sa araw na ito.
Kahit anong oras naman kasi ay pwede siya basta't maagang ipaalam sa kanya. Si
Paul naman, ang alam ko kasi ay wala siyang pasok tuwing Sabado. Sabi ni Leah,
may team building daw sina Paul ng Sabado. At hindi rin daw
pwede ng Linggo. Di ko rin naman nais manuod ng sine tuwing Linggo dahil sa
sandamukal na tao ang naglilipana sa mall sa araw na ito.
Kaya
naman, napagkasunduan na lang namin na manuod ng pelikula sa Hulyo dieciocho,
Lunes. Parang nabalewala ang dalawang araw na wala akong pasok (na hiniling ko)
dahil hindi naman pala kami makakapanuod kaagad-agad. Hindi ko na rin magawang
magprotesta.
Dahil
sa mga kaganapang ito, minabuti kong gawin na lang ang blood test ko
sa araw na ito. Nabanggit kasi ni doktora na magpasuri ulit ako ng dugo para
malaman ang lipid profile ko. Tumataas na naman kasi ang
presyon ng dugo ko (sa murang edad na veinticinco).
Kaya
naman humingi ako ng referral kay doktora (ng aming kompanya) para
sa nasabing test. Idinaing ko rin na laging tila kumukulo ang
tiyan ko magmula pa noong Enero. Nabanggit ko sa kanya na baka pwedeng mapa-ultrasound ako
para malaman ang dahilan.
Maaga
akong nagpunta sa St.
Luke's Medical Center sa E. Rod Ave. Dito ako madalas
magpasuri dahil malapit lang sa'min. Kailangan ng fasting para
sa blood test ko. Kaya naman pagpatak ng alas-onse nang
nakaraang gabi, hindi na ako kumain at uminom ng tubig hanggang sa magpunta ako
ng ospital.
Kaagad-agad
naman akong nakakuha ng request mula sa Medicard.
Kaya naman kagyat akong tumalilis papuntang main hospital para
makuhanan ng dugo. Ang araw ng Sabado ay hindi naging dahilan para kumaunti ang
bilang ng mga tao sa ospital. Marami ang nakapila sa cashier na
nasa Pathology, buti na lang at nagpa-charge ako
doon sa cashier na nasa Heart Center ng
ospital, walang pila.
Enero
pa ang huling punta ko doon sa Pathology kaya naman
nakalimutan ko ang susunod na dapat gawin; kung saan susunod na pipila at ano
pa muna ang dapat gawin. Pumila ako doon sa queue na kung saan
isinasagawa ang extraction ng dugo.
Nag-antay
ako ng ilang saglit na minuto sa pila. Hindi ko alam ang gagawin.
Nagdadalawang-isip ako na ibigay ang request form ko para
sa blood test. Buti na lang at nilapitan ako ng isang binibini sa
siyang nag-eestima sa mga pasyenteng nandoon.
Sa
totoong lang, iyon ang maganda sa St.
Luke's Hospital. Ilang beses na rin akong nagpabalik-balik sa naturang
ospital at masasabi kong talagang alaga ka. Hindi lang sa atensyong medikal at
mga kagamitan, ngunit pati na rin sa mga simpleng bagay. Ramdam mo ang pagiging
magiliw ng bawat empleyado ng nasabing ospital. Hindi ka nila hahayaang
nakatunganga sa isang sulok. Kung sa tingin nila ay parang nagugulumihanan ka,
walang pag-iimbot na lalapitan ka at tatanungin kung ano ang kailangan mo.
Minsan pa'y, sila mismo ang magdadala saiyo sa lugar na dapat mong puntahan.
Nanatili na rin ako ng mahaba-habang oras sa Santo Tomas University Hospital,
ngunit ibang-iba ang trato sa mga pasyente. Iyon nga lang, sa outpatient
department ako ng UST Hospital nagpasuri,
hindi tulad ng sa St.
Luke's, doon mismo ako sa main hospital. Siguro nga,
ganun talaga ang pinagkaiba ng isang pribado at mamahaling ospital at sa OPD.
Ang OPD ng Santo
Tomas University ay
kilala rin bilang isang charity hospital. Ngunit outpatient din naman ako ng magpasuri sa St.
Luke's.