Friday, January 6, 2012

OKA TOKAT! DOPPELGANGER PART II




Ikatlong araw ng bagong taon. Dahil sa ninanis kong matapos ang iba kong gawain, lagpas ala cinco nang hapon ng ako ay magdesisyong umuwi sa opisina. Si Rachel, katrabaho ko, ay ganoong oras na rin umuwi. Tinanong ko siya kung saan siya sasakay para sabay na kaming maglakad. Sabi niya, doon sa papuntang Megamall. “Sabay na tayo”, sabi ko. “Magyoyosi pa kami ni Kathrina.” Dagdag ni Rachel. “Sa baba kayo magyoyosi?” tanong ko. Ngunit sa taas pala sila magyoyosi ni Kathrina na noo’y nakabreak lang.

Nakapaghanda na ako ng mga oras na iyon. Natapos ko na ang mga bagay na kalimitan kong ginagawa bago umuwi. Habang inaayos ko ang aking gamit sa bag, mula sa pintuang salamin ng opisina, nakita ko si Jomar sa labas na parang may hinihintay. Marahil, inaantay niya sina Rachel at Kathrina para makasama magyosi sa taas.

Kanina’y nagdesisyon akong di na lang sasama kay Rachel dahil magyoyosi pa sila sa taas. Kakain pa ito ng ilang minuto hanggang sa matapos sila. Ngunit nang paakyat na sila ng hagdan, humabol ako kina Rachel. Nakasunod lang ako sa kanila paakyat.

Nang makaakyat kami sa taas na palapag ng opisina, nakipagkamustahan ako kay Grace. Kaya naman nahuli akong makapunta sa sky court. Nang buksan ko ang pinto palabas, may tatlong ibang nagyoyosi. Nagbigay pugay naman ako sa kanila sa pamamagitan ng pagtawag sa mga pangalan nila.

Maliit lang ang sky court kaya isang dipa lang siguro, nakatayo na sa kabila sina Rachel at Kathrina habang nagyoyosi. “Asan si Jomar?” tanong ko sabay tingin sa kabilang dako ng sky court. Ang sky court kasi ng building na iyon ay letrang “L” ang istilo.

Nagulat ako sa sagot nila Rachel at Kathrina. Hindi ko maikakailang wala nga sa lugar na iyon si Jomar. Hindi nila kasama at lalong hindi nila nakita si Jomar. Wala ring pang-ala cinco na break sa kanila kaya malabong makasama nila si Jomar. Napag-alaman ko ring naka-leave pala si Jomar ng isang linggo.

Nagpaliwanag naman ako sa dalawa. Mula sa kinatatayuan ko kanina habang nag-aayos ng aking bag, sigurado akong si Jomar nga ang aking nakita mula sa salaming pinto. Nakatingin siya sa loob at sa hitsura niya, hindi ko maikakailang si Jomar nga iyon; ang kanyang taas, ang hulma ng kanyang buhok, ang kanyang pangangatawan at ang kanyang kasuotan.  

Habang pababa sa hagdan, ipinagpipilitan kong nakita ko nga si Jomar. Bumalik na si Kathrina sa loob ng opisina at habang nagkukwento ako kay Rachel habang naghihintay sa elevator, tumitindig ang aking balahibo. Naikwento ko rin sa kanya ang parehong pangyayari nang makita ko naman si Ryan sa opisina ngunit wala palang pasok sa araw na iyon. Si Ryan ay ka-team ni Jomar.

Namalik-mata nga lang ba ako? Ibang tao ba ang aking nakita? O kaya’y isa na namang huwad na multo ang aking nakita; nanggagaya ng taong buhay?


No comments: