Pages

Pages

Monday, May 7, 2012

OKA TOKAT! UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES




Maraming urban legends at kwentong bumabalot sa bawat gusali sa Unibersidad ng Pilipinas. Madalas sa mga kwentong iyon ay naipapasa sa bawat bagong salta (mga freshies kumabaga)upang i-orient sila sa ilang mga kwento.  Ang ibang kwento ay pihadong may katotohanan lalo pa't kung ikaw mismo ang nakaranas at sa maniwala man ang iba o hindi, maraming elemento at pangyayari sa mundo ang hindi natin maipaliwanag dahil sa kakapusan ng ating kaalaman ukol dito.

Kabilang sa mga kwentong halos alam na ng lahat ay ang ligaw na kaluluwa sa Guerrero Theater na nasa ikalawang palapag ng AS building kung saan sinasabi nilang nagpapakita sa tuwing may theater show sa lugar. Habang abala ang lahat sa panonood sa kasalukuyang programa na punung-puno naman ang mga upuan ay may babaeng tatayo na animo'y lalabas upang mag-CR subalit pagtingi'y wala namang nabakanteng upuan.

Kabilang pa rin sa mga kwento sa Unibersidad ay ang fresco paintings, sculptures, artworks na nasa pinakailalim ng Vargas Museum na ayon sa kwento'y ipinasara bunga ng mga kamalasang idinulot ng mga naturang gawang sining. Ang mga gumawa din diumano ng mga naturang artworks ay nagkandamalas-malas din ang buhay katulad ng pagkabaliw, pagkamatay ng mga mahal sa buhay, pagpapatiwakal at kung anu-ano pa. Sa kabila ng kwento doon, ay tumaas ang kuryosidad na matunton ang katotohanan sa lugar na iyon subalit bunga na rin ng kakapusan ng mga impormasyon sa katotohanan ng konseptong "malas" na idinudulot daw ng mga paintings bunga ng pagkasalig nito sa dimonyo o mga itim na ispiritu, nananatiling kwento ang mga iyon na pasalin-salin at panaka-nakang nababanggit ng ilang tumanda na sa Unibersidad.

Dagdag pa sa kwentong ito ay ang talagang makapanindig balahibong pag-aabang sa taxi isang gabi kung saan hindi ipinapara ng taxi driver ang babaeng tila iyong taxi na lang ang pag-asang makalabas sa lugar dahil malalim na ang gabi. Nagtataka diumano ang babae sapagkat maka-ilang ulit ng umikot ang taxi sa Academic Oval at tumapat sa pwesto niya subalit hindi ito pinasasakay. Ayon sa kwento, wala daw nakikitang laman na pasahero ang babaeng pumapara kaya ganun na lang ang inis nito sa hindi pagpapasakay sa kanya at makailang ulit na beses na pag-ikot sa kanya.

Sa sumunod na beses ay isinakay na siya ng Taxi driver, dahil naibaba na niya ang talagang pasahero at ang dahilan daw kung bakit hindi niya ito pinasasakay ay dahil hindi niya nakikita ang ulo ng babae. Iniikutan daw niya ito hanggang sa mawala ang ispiritung kasa-kasama ng babae na nais kunin/laruin ang pumaparang tao. May third eye daw ang naturang Taxi driver kung kaya't mas matapang itong harapin ang anumang elementong naliligaw.

Sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataon na magkwentuhanan ang mga kapwa estudyante, hindi nawawala ang mga kwento sa mga tinitirhang dormitoryo lalo na ang mga nakakakilabot na pagbabahagi sa Kolehiyo ng Edukasyon at Vinzon's Hall na isa sa mga matatandang gusali sa unibersidad. Mga naglalakad sa ikatlong palapag ng Vinzon's Hall sa madaling araw at nakabibinging katahimikan sa CR ng College of Education na para palaging may sumasabay sa iyong mag-CR.

Noong una ay hindi gaanong pinaniniwalaan ang lahat ng mga kwento dito at ina-assume na lang na bahagi ang lahat ng oral na pagpasa ng literaturang bunga ng malikhain at malilikot na pag-iisip.

Subalit sa kabila ng mga kwentong iyon ay mga ilang katotohanang kami mismo ay hindi maitanggi bunga ng sariling karanasang pwedeng maidagdag sa mga naikuwento na ukol sa pamantasan.

Isang gabi ng Pebrero mula sa pagod na gawain buong araw bunga ng University Student Council Elections ang nakapagpatindig ng balahibo naming mga nasa loob ng sasakyan. Palibahasa'y mag-aalas tres na ng madaling araw kung kaya't nagdesisyon na ang mga natira sa politikal na grupo sa UP na umuwi at maghanda kinabukasan.
Siksikan kaming lahat sa sasakyag kaysa lamang ang anim. At para sa isang kotse ang walong katao ang mala-sardinas na pakiramdam at pagtingin na lamang sa mapunong lugar palabas ng UP ang aming hingahan. 3 sa harapan at limang katao sa bandang likuran.Di namin magawang magsalita bunga ng kapaguran subalit ang nasaksihan sa tapat ng Vargas Museum ay nakapangingilabot para dedmahin na lang.

Noong una ay inakala kong ako lang ang nakakakita at baka dahil pagod lang ako kaya nakakakita ako ng kung anu-ano. Subalit ng mas malapit na kami sa lugar at dahil mas mabagal ang takbo ng sasakyan sa bigat ng sakay nito ay mas nakita ko pa ito nang malapitan. Ipinikit ko ang mata upang patunayan sa sariling namamalik-mata lang ako lalo pa't sanay naman ako sa mga kwentong kababalaghan subalit ang di pagkawala sa paningin ay nakaalarma na sa akin.

Dalawa kami ng dating girlfriend ang nakaupo sa passenger seat at hinigpitan ko pa ang hawak sa kamay niya nang makumpirma kong hindi ako namamalik-mata. Ang isang kaibigan sa gawing likuran ang nagtanong sa lahat kung nakikita rin daw ba namin ang nakikita niya kung kaya't nang winika niya iyon ay mas lalo akong nahintakutan.

Ang nakikita naming walo ay hindi kathang isip lang o bunga ng pagod dahil parehas na deskripsyon ang aming pinagsasaluhan. Sa tapat ng Vargas Museum at medyo malapit sa bandang hagdanan ay may nakalutang na nilalang at nagwawalis gamit ang walis tambo sa labas ng gusali ng madaling araw. Nakayuko ito at ang damit ay parang damit kapag nagtatanim ng palay.

Kinilabutan kaming lahat at sinabihan ang driver na magmabilis subalit sa bigat na karga ng sasakyan ay pagdarasal na lamang ang tanging naiusal sa sarili. Sinabi ng aking kahawak kamay na ipikit na lamang muli ang mga mata hanggang makalampas sa Oblation. Hindi ko iyon nagawa sa sobrang kaba at alam ko sa sarili na sa bawat kwentong ipinasa sa atin ay maaaring may katotohanang hindi maitatanggi katulad na lamang ng naging karanasan.

Matapos noon ay hindi ko na muling inulit sa loob ng 5 taon ang mag-stay hanggang madaling araw sa Unibersidad. Iniwasan ko na rin ang maiwan ng walang kasama hindi dahil natatakot ka sa mga elementong ito kung hindi dahil baka hindi kayaning maging midyum ng kung anumang mensaheng nais nitong iparating sa mga pinagpakitaan. Sa totoo lang may mensahe man ito o wala ang mas mahalaga'y minsang nabuksan pa ang isip namin sa mga ganitong uri ng katotohanan.





SOURCE

No comments:

Post a Comment