Maraming urban legends at kwentong
bumabalot sa bawat gusali sa Unibersidad ng Pilipinas. Madalas sa mga
kwentong iyon ay naipapasa sa bawat bagong salta (mga freshies kumabaga)upang i-orient sila sa ilang mga
kwento. Ang ibang kwento ay pihadong may katotohanan lalo pa't kung
ikaw mismo ang nakaranas at sa maniwala man ang iba o hindi, maraming elemento
at pangyayari sa mundo ang hindi natin maipaliwanag dahil sa kakapusan ng ating
kaalaman ukol dito.
Kabilang sa mga kwentong halos alam na ng lahat ay ang
ligaw na kaluluwa sa Guerrero Theater na nasa ikalawang palapag ng AS building
kung saan sinasabi nilang nagpapakita sa tuwing may theater show sa lugar. Habang
abala ang lahat sa panonood sa kasalukuyang programa na punung-puno naman ang
mga upuan ay may babaeng tatayo na animo'y lalabas upang mag-CR subalit
pagtingi'y wala namang nabakanteng upuan.
Kabilang pa rin sa mga kwento sa
Unibersidad ay ang fresco paintings, sculptures, artworks na nasa
pinakailalim ng Vargas Museum na ayon sa kwento'y ipinasara bunga ng mga
kamalasang idinulot ng mga naturang gawang sining. Ang mga gumawa din diumano
ng mga naturang artworks ay nagkandamalas-malas din ang buhay katulad ng
pagkabaliw, pagkamatay ng mga mahal sa buhay, pagpapatiwakal at kung anu-ano
pa. Sa kabila ng kwento doon, ay tumaas ang kuryosidad na matunton ang katotohanan
sa lugar na iyon subalit bunga na rin ng kakapusan ng mga impormasyon sa
katotohanan ng konseptong "malas" na idinudulot daw ng mga paintings
bunga ng pagkasalig nito sa dimonyo o mga itim na ispiritu, nananatiling kwento
ang mga iyon na pasalin-salin at panaka-nakang nababanggit ng ilang tumanda na
sa Unibersidad.
Dagdag pa sa kwentong ito ay ang
talagang makapanindig balahibong pag-aabang sa taxi isang gabi kung saan hindi
ipinapara ng taxi driver ang babaeng tila iyong taxi na lang ang pag-asang
makalabas sa lugar dahil malalim na ang gabi. Nagtataka diumano ang babae
sapagkat maka-ilang ulit ng umikot ang taxi sa Academic Oval at tumapat sa
pwesto niya subalit hindi ito pinasasakay. Ayon sa kwento, wala daw nakikitang
laman na pasahero ang babaeng pumapara kaya ganun na lang ang inis nito sa
hindi pagpapasakay sa kanya at makailang ulit na beses na pag-ikot sa kanya.
Sa sumunod na beses ay isinakay na
siya ng Taxi driver, dahil naibaba na niya ang talagang pasahero at ang dahilan
daw kung bakit hindi niya ito pinasasakay ay dahil hindi niya nakikita ang ulo
ng babae. Iniikutan daw niya ito hanggang sa mawala ang ispiritung kasa-kasama
ng babae na nais kunin/laruin ang pumaparang tao. May third eye daw ang naturang
Taxi driver kung kaya't mas matapang itong harapin ang anumang elementong
naliligaw.
Sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataon
na magkwentuhanan ang mga kapwa estudyante, hindi nawawala ang mga kwento sa
mga tinitirhang dormitoryo lalo na ang mga nakakakilabot na pagbabahagi sa
Kolehiyo ng Edukasyon at Vinzon's Hall na isa sa mga matatandang gusali sa
unibersidad. Mga naglalakad sa ikatlong palapag ng Vinzon's Hall sa madaling
araw at nakabibinging katahimikan sa CR ng College of Education na para palaging
may sumasabay sa iyong mag-CR.
Noong una ay hindi gaanong
pinaniniwalaan ang lahat ng mga kwento dito at ina-assume na lang na bahagi ang
lahat ng oral na pagpasa ng literaturang bunga ng malikhain at malilikot na
pag-iisip.
Subalit sa kabila ng mga kwentong
iyon ay mga ilang katotohanang kami mismo ay hindi maitanggi bunga ng sariling
karanasang pwedeng maidagdag sa mga naikuwento na ukol sa pamantasan.
Isang gabi ng Pebrero mula sa pagod
na gawain buong araw bunga ng University Student Council Elections ang
nakapagpatindig ng balahibo naming mga nasa loob ng sasakyan. Palibahasa'y
mag-aalas tres na ng madaling araw kung kaya't nagdesisyon na ang mga natira sa
politikal na grupo sa UP na umuwi at maghanda kinabukasan.
Siksikan kaming lahat sa sasakyag kaysa lamang ang anim.
At para sa isang kotse ang walong katao ang mala-sardinas na pakiramdam at
pagtingin na lamang sa mapunong lugar palabas ng UP ang aming hingahan. 3 sa
harapan at limang katao sa bandang likuran.Di namin magawang magsalita bunga ng
kapaguran subalit ang nasaksihan sa tapat ng Vargas Museum ay nakapangingilabot
para dedmahin na lang.
Noong una ay inakala kong ako lang
ang nakakakita at baka dahil pagod lang ako kaya nakakakita ako ng kung
anu-ano. Subalit ng mas malapit na kami sa lugar at dahil mas mabagal ang takbo
ng sasakyan sa bigat ng sakay nito ay mas nakita ko pa ito nang malapitan.
Ipinikit ko ang mata upang patunayan sa sariling namamalik-mata lang ako lalo
pa't sanay naman ako sa mga kwentong kababalaghan subalit ang di pagkawala sa
paningin ay nakaalarma na sa akin.
Dalawa kami ng dating girlfriend ang
nakaupo sa passenger seat at hinigpitan ko pa ang hawak sa kamay niya nang
makumpirma kong hindi ako namamalik-mata. Ang isang kaibigan sa gawing likuran
ang nagtanong sa lahat kung nakikita rin daw ba namin ang nakikita niya kung
kaya't nang winika niya iyon ay mas lalo akong nahintakutan.
Ang nakikita naming walo ay hindi
kathang isip lang o bunga ng pagod dahil parehas na deskripsyon ang aming
pinagsasaluhan. Sa tapat ng Vargas Museum at medyo malapit sa bandang hagdanan
ay may nakalutang na nilalang at nagwawalis gamit ang walis tambo sa labas ng
gusali ng madaling araw. Nakayuko ito at ang damit ay parang damit kapag
nagtatanim ng palay.
Kinilabutan kaming lahat at sinabihan
ang driver na magmabilis subalit sa bigat na karga ng sasakyan ay pagdarasal na
lamang ang tanging naiusal sa sarili. Sinabi ng aking kahawak kamay na ipikit
na lamang muli ang mga mata hanggang makalampas sa Oblation. Hindi ko iyon
nagawa sa sobrang kaba at alam ko sa sarili na sa bawat kwentong ipinasa sa
atin ay maaaring may katotohanang hindi maitatanggi katulad na lamang ng naging
karanasan.
Matapos noon ay hindi ko na muling
inulit sa loob ng 5 taon ang mag-stay hanggang madaling araw sa Unibersidad.
Iniwasan ko na rin ang maiwan ng walang kasama hindi dahil natatakot ka sa mga
elementong ito kung hindi dahil baka hindi kayaning maging midyum ng kung
anumang mensaheng nais nitong iparating sa mga pinagpakitaan. Sa totoo lang may
mensahe man ito o wala ang mas mahalaga'y minsang nabuksan pa ang isip namin sa
mga ganitong uri ng katotohanan.
SOURCE
SOURCE
No comments:
Post a Comment