Lunes. Inaasahan ko nang magiging mahirap para sa akin ang makasakay kaagad sa fx papuntang San Miguel Ave mula sa Altura dahil dagsa na naman ang mga pasahero na nagtatrabaho sa Ortigas. Naglalakad palang ako sa footbridge sa Altura at tumitingin ako sa dakong sakayan ng mga fx, sa isip ko, para atang wala masyadong mga taong nag-aabang. Kaya nama’y lumuwag ang pakiramdam ko na ako’y madaling makakasakay dahil mabibilang ko lang sa isang kamay ko ang mga taong naroroon. Tila nagbabadya ng ulan nang mga oras na yun dahil kapag dakay’, nararamdam ko ang pag-ambon mula sa kalangitan. Di ko inaasahan na aambon o dili kaya’y uulan ng mga oras na yun kaya naman di na sumagi sa isip ko ang magbitbit pa ng panangggalang. Minabuti kong bilisan ang paglalakad ng sa ganun ay makababa kaagad ako sa hagdan.
Nararamdam ko na tila ba’y unti-unting lumalakas ang kanina’y mahinahong pag-iyak ng kalangitan. Mula sa hulihan, nakikita kong unti-unti nang nababasa ang kasuotan ng lalaking nauuna sa akin pababa ng footbridge.
Ilang pang baitang ay nakababa na ako mula sa hagdan at lumiko papunta sa gilid ng kalsada para makiisa sa mga nag-aabang. Nabalot ako ng pangamba ng bumungad sa aking harapan ang ilan pang mga taong nag-aabang ng fx na nakasilong lang sa ibaba ng footbridge dahil sa paglakas ng ambon. Kahit paano’y nahaluan ng pagkadismaya ang naramdaman ko ng mga oras na yun dahil magiging mahirap nga para sa akin ang makasakay kaagad.
Nakisali ako sa mg taong nakasilong at nag-aabang ng masasakyan. Di nagtagal, sa di kalayuan, bumungad sa mga mata ko ang parating na fx at walang sakay na pasahero. Swerte naman! Sa loob-loob ko. Unti-unti ko na lang naramdaman na tumatakbo na ang mga paa ko ng mahinahon papunta sa fx. Ang akala kong mga taong nag-aabang at nakasilong sa may ilalim ng hagdan ay iba pala ang inaabangan na masasakyan. Kaunti lang ang sumakay sa fx ngunit sapat na para bumyahe ang drayber. Ninanis ko sanang sumakay sa unahan ng sasakyan para makatabi ang naunang sumakay. Sa unang tingin ko’y, parang may itsura ang taong yun. Ngunit may mamang talipandas na nauna sa akin at umupo sa tabi niya.
Nabigo akong makatabi ang nilalang na iyon kahit saglit lang. Sinubukan kong sumakay sa gitna ng sasakyan ngunit naisip ko na magiging masikip sa gitna kapag napuno ng pasahero at inalala ko ang telepono at headset ko na nasa loob ng aking bulsa. Maluwang na kasi ang headset ko dulot na rin ng kapabayaan ko at kaunting sagi lang ay matatanggal mula sa pagkakapihit sa telepono.
Kaya naman sa hulihan ako sumakay para hindi masyadong masikip. May isang mamang sumakay, sumunod naman ako. Ilang segundo lang at may isa pang pasahero na sumakay. Sa kabila siya umupo at walang katabi. Ngunit maya-maya pa’t may isang pang pasaherong sumakay at umupo sa tabi niya. Unang malas sa taong sumakay (na sumunod sa akin) ay parang wala namang kakaiba sa kanya o anumang bagay na ikakamangha ng pagkatao ko.
Ngunit nang siya ay mag-abot ng kanyang bayad at naka-side view, parang may nakita ako sa kanya na pamilyar sa aking ulirat. Madaling rumehistro sa aking isipan ang aking nakita mula sa taong yun. Walang duda, ang kanyang mga mata ay kawangis ng mga mata ng aking minahal ngunit lumisan na sa aking buhay. Nakita ko sa kanya ang alaala namin nung kami ay magkasama - masaya at nabubuklod ng pagmamahal. May kirot akong naramdaman sa aking puso. Gumuhit ang kalungkutan sa aking mukha.
Sadyang mapaglaro ang tadhana sapagkat ang musikang naririnig ko mula sa aking telepono ay gan'to:
Minamasdan kita
Nang hindi mo alam
Pinapangarap kong ikaw ay akin
Mapupulang labi
At matinkad mong ngiti
Umaabot hanggang sa langit
Huwag ka lang titingin sa akin
At baka matunaw ang puso kong sabik
[Chorus]
Sa iyong ngiti ako'y nahuhumaling
At sa tuwing ikaw ay gagalaw
Ang mundo ko'y tumitigil
Para lang sayo
Ang awit ng aking puso
Sana'y mapansin mo rin
Ang lihim kong pagtingin
Minamahal kita ng di mo alam
Huwag ka sanang magagalit
Tinamaan yata talaga ang aking puso
Na dati akala ko'y manhid
Hindi pa rin makalapit
Inuunahan ng kaba sa aking dibdib
[Chorus]
Sa iyong ngiti ako'y nahuhumaling
At sa tuwing ikaw ay lalapit
Ang mundo ko'y tumitigil
Ang pangalan mo sinisigaw ng puso
Sana'y madama mo rin
Ang lihim kong pagtingin
Sa iyong ngiti ako'y nahuhumaling
(Sa iyong ngiti)
Sa tuwing ikaw ay gagalaw
Ang mundo ko'y tumitigil
Para lang sa'yo...
(Para lang sa'yo ang awit ng aking puso)
Sana ay mapansin mo rin...
Ang lihim kong pagtingin
Sa iyong ngiti...
Pahapyaw at pinagmamasdan ko ang mga mata niya. At ang musika ay nagpatindi pa sa emosyon na aking nararamdam ng mga oras na yun.
Minamasdan kita
Nang hindi mo alam
Pinapangarap kong ikaw ay akin
Di ko mawari ang aking nararamdaman. Di ko napigil ang sarili ko at naramdaman kong tila may butil ng luha ang naghuhumulagpos mula sa malungkot kong mga mata. Wala akong magawa kundi ang maalala ang mga sandaling kasama ko siya. Sa tuwing titignan ko ang mga mata ng nilalang na nasa harap ko, di ko maiwaglit ang mukha ng taong minsan kong minahal ng sobra sobra ngunit kalungkutan at pait ang iniwan ng kanyang paglisan.
Dahil sa mga matang yun, nanumbalik ang sariwa pang alaala sa aking isipan. Ang huli naming pagsasama. Ang mga sandali na kami ay naging masaya. Datapwat, ang masakit ay ang mga mensahe niya ng pamamaalam.
Sariwa pa sa akin ang sugat na kanyang iniwan. Di ko pa naman lubos tanggap sa aking sarili na di na siya babalik. Umaasa pa rin ako na isang araw, may matatanggap akong mensahe sa telepono “Moimoi, asan ka na?” “Moimoi”. Siya lang ang bukod taning tumatawag sa akin ng ganun.
No comments:
Post a Comment