Friday, April 2, 2010

STORY: TYPHOON ONDOY EXPERIENCE




AMATEUR VIDEO TAKEN ALONG JRU


September 26, 2009. Sabado. Alas-otso ng umaga nang ako ay magising. Isang ordinaryong araw tulad ng mga nakaraang linggo at buwan kahit na makulimlim ang kalangitan at nagbabadya ng pagbuhos ng ulan. Wala akong magawa kaya naman minabuti kong buksan ang kompyuter. Bandang alas-nueve, naghanda na ako para maligo para saktong alas-dies, aalis ako ng bahay at mga bandang alas-onse ay nasa opisina na ako at doon na lang ako kakain ng tanghalian na lagi ko namang ginagawa.

Ayon sa balita ng nakaraang gabi, may bagyo raw na tatama ng Sabadong iyon. Sa tamang tanda ko, sa probinsya ang daan ng bagyo ngunit magiging masama rin ang lagay ng panahon sa Kamaynilaan dulot ng pag-ulan sa hapon.

Nang naliligo na ako ay tila bumigay na ang mabibigat na pasanin ng ulap at bumagsak ang mga naipong ulan mula sa kalangitan. Nakaturo ang mahabang kamay ng aming relos sa alas-dies ng umalis ako ng bahay para pumasok. Lumalakas ang ulan kaya naman minabuti kong dalhin ang payong. Suot ko ang aking jacket para huwag ring masyadong mabasa ang aking damit.

Mula sa’min, kinakailan kong sumakay ng traysikel papuntang Altura para doon sumakay ng fx papuntang San Miguel Ave. Ang buhos ng ulan ay natural lamang sa mga ordinaryong ulan. Kahit na sa Sampalok kami nakatira, walang baha sa aming lugar di tulad sa mga karatig na lugar tulad ng Espanya sa lumulubog sa tubig ulan.

Pagdating ko sa Altura, may kaunting naipong tubig sa kalsada. Dali-dali akong bumaba mula sa traysikel; umakyat at naglakad sa hagdan para makatawid. Pahilis ang direksyon ng hangin kaya naman mula sa aking kanan, unti-unti ng nababasa ang aking suot na sapatos at ang aking pantalon. Wala akong magawa kundi ang lumakad ng mabilis para makababa. Nang ako ay makababa, malakas pa rin ang ulan kasama ang hangin na siyang naging dahilan para lubusan nang malugami sa pagkakabasa ang ibabang bahagi ng aking pantalon. Sumilong ako sa ilalim ng tulay para mag-abang ng fx at para makaiwas sa bagwis ng hangin. Ngunit lalo pa rin akong nabasa ng ulan dahil wala pa ring dumarating na masasakyan. Naisip ko na ring sumakay na lang ng taxi ngunit sumagi rin sa isip ko na kailangan kong magtipid. Sayang nga rin ang isang daan at dalawampu’t limang piso para sa taxi. At pangalawa, sa isang lingo pa ang sahod at hindi na kakayanin ng aking allowance ang aking gastusin sakali mang sumakay ako ng taxi. Ayaw ko rin namang sumakay ng jeep sa dahilang may kabagalan ito at kung sinu-sino pa ang makakasakay ko. Kaya naman minabuti kong sumilong muna sa pinaka-gilid ng kalsada dahil doon ay may silong pa rin ng tulay at di ako masyadong mababasa. Ilang minuto pa at wala pa ring fx. Nang bahagyang humina ang ulan, bumalik ako sa may kalsada para mag-abang. May isa ring babaeng nag-aabang din ata ng fx. May mangilan-ngilang dumaraang fx ngunit wala ng bakanteng mauupuan. Di ko man masyadong gustong ipahalata ngunit minabuti kong tumayo sa unahang hilera ng babae para makasakay kaagad ako ng fx. Sakto naman at maya-maya pa ay may parating ng fx. Sa isip-isip ko; “Talo-talo na’to ate. Kung nagmamadali ka, mas nagmamadali rin akong pumasok kaya ako na ang sasakay.”

Ngunit di pa naman pala puno ang fx. Sa likurang bahagi kung saan ako sumakay ay mayroon pang isang bakanteng upuan. Maging sa gitna ay may isa pa ring bakante. Di ko lang lubos maalala kung sa unahan ba ay may bakante rin. Nang dumating sa may V. Mapa, may isang babaeng sumakay sa gitna. Tuloy pa rin naman ang buhos ng ulan. Walang bakas ng higit na malakas na ulan o kaya naman ay isang sakuna.

Sa kalagitnaan ng aming biyahe, nagulat ako sa aking nakita ng sumambulat sa aming harapan ang mataas na baha sa Kalentong pagbaba ng tulay sa Bagumbayan. Nagulat talaga ako dahil unang pagkakataon ko iyon na makakita sa personal ng ganuong baha at nakasakay pa ako sa sasakyan. Kung susumahin, mga abot gulong na ng fx ang baha sa kalsada. Sa mga pasahero at maging sa drayber, wala naman akong narinig na bayolenteng reaksyon. Sa kabutihang palad, nagawa pa naman ng drayber na makatawid sa baha kasama ang iba pang mga sasakyan. Sa kanto ng JRU, napuno ang fx ng may isang babaeng sumakay. Sa labas pa lang ng sasakyan natanaw ko na ang babaeng yaon dahil sa kariktang taglay niya. Maputi, makinis at bata pa. Inisip kong estudyante siya sa JRU. Basa siyang sumakay sa fx kahit na may dala siyang payong. Napapatingin ako sa kanya dahil sa ganda at amo ng kanyang mukha. Lalo ko pang nasilayan ng malapitan ang makinis niyang mukha.

Kapagkadaka’y napapatingin ako sa kanya dahil magkaharap lang kami sa upuan. Siya naman ay parang wala lang. Di siya mapakali sa kanyang telepono na tatak Motorola. Kung di ako nagkakamali, V3i (o kaya V3) ang modelo ng kanyang telepono dahil nagkaroon na rin ako ng ganung modelo. Nabasa ang kanyang telepono kaya pala pilit niyang tinataktak para maalis ang tubig sa loob.

Sa may harap ng JRU ng walang anu-ano’t tumigil ang fx. Di ko maunawaan ang lohika ng mamang drayber kung bakit siya tumigil. Wala naman akong naaaninag na trapik o kung anuman sa harapan kung bakit siya nakikiisa sa ibang sasakyan na sadya ring tumigil sa pagpapatakbo ng kanilang makina. Ganuon nga ang naging eksena sa mga nagdaang mga minuto. Maya-maya pa ay naalarman na ako dahil ng tuminigin ako sa aking telepono, alas-onse na at nasa may JRU pa lang ako. Kailangan ko pang kumain ng tanghalian.

Sa asar ko, tinanong ko ang drayber; “Kuya, anong petsa tayo makakaalis? May mga pasok pa kami?” Hindi ko masyadong maunawaan ang mga pangyayari basta’t may narinig lang akong may baha di umano sa unahan at mahihirapang umusad ang sasakyan. Sa isip-isip ko naman, “Gagong drayber ‘to. Umisip ka ng paraan para makaalis. Ikaw tong ‘drayber. Sa Kalentong nga, nalagpasan mo yung mataas na baha.”

Kahit daw mag-short-cut sa may Addition Hills, baha rin daw ang lugar kaya wala na talagang paraan para makaabante kundi ang maghintay. Dumoble pa ang asar ko. Kinakausap ko na lang ang sarili ko; “Bobong drayber na ‘to. Di mag-isip.”

Kaya naman isang oras bago mag-alas-dose, nagpaalam na ako na late na akong makakapasok dahil sa baha. Parang magkakontsaba lang ata ang malakas na ulan at ang kamalasan dahil mas lumakas pa lalo ang ulan. Ang ibang sasakyan ay di na rin umaabante at bumabalik na lang papalayo sa baha. May ilang sasakyan ding naglakas-loob na suungin ang baha at may ilan ding jeep na sumubok. Sa likuran ng fx na aking sinasakyan ay mayroong trak. Sa inip din ng nilalang na siyang nagpapatakbo nito ay binulyawan niya ang drayber ng fx. “Kanina ka pa diyan.” Parang inuutusan niyang umatras ang drayber dahil nakaharang sa kanya at para siya ay makaabante. Malakas ang loob ng gago kaya naman sumuong sa baha. Di ko alam kung tuluyan siyang nakatawid o mas lalo siyang minalas.

Makaraan ang mga tantiya ko ay trenta o quarenta y singco minutos, sumubok ang drayber ng fx na sumuong sa baha. Ngunit sa kasamaang palad, ilang dipa lang at titirik na ata ang sasakyan kaya naman ay minabuti ng mama na bumalik papalayo sa baha at huwag ng tumuloy.

Sa madaling sabi, milagro na lang ata ang kasagutan ko sa mga oras na yaon. Kailan kami makakaalis sa baha ay walang makapagsabi. Kung humupa na ang baha? Kelan? Pumatak ang alas-dose at malakas pa rin ang ulan. Ang kaninang paalam ko na late akong papasok ay biglang nabago. Binawi ko at sinabi kong half-day na lang ako papasok ngunit walang kasiguraduhan pero malakas pa rin ang pag-asa ko ng mga oras na yun. Malumanay pa rin naman ako at kalmado ng mga oras yun. Wala akong kaalam-alam na may higit pa lang pagsubok na darating.

Sa harap ng JRU, may mga sasakyang naantala sa pag-usad. May mga trak, may mga jeep na may lamang mga pasahero, may mga pribadong sasakyan at mayroon ding tanker ng gasolina. Wala akong kaalam-alam at marahil maging ang ibang pasahero na hindi lang pala kami ang nalugmok sa ganuong kalagayan. Akala ko nga dun lang talaga ang mataas ang baha. Lingid sa aking kamalayan, may mga taong higit na nasa panganib ng mga sandaling iyon.

Umiikot ang oras at tila walang pagbabago sa aming kalagayan. Bagkus, mas lalong tumaas ang antas ng tubig dahil sa walang humpay na pag-ulan. Naalala ko na kaninang dumaan kami sa Kalentong, nakita kong pati ang mga establishimento ay pinasok na ng baha. Mula sa loob ng fx; kitang-kita ko ang pagpasok ng baha sa loob ng Jollibee, sa Greenwich, sa 711 at maging sa Watson. Marahil, may iba pang mga napasok ng baha at di ko lang nasilayan.

Alok ng drayber, kung sino man daw ang nagugutom, kumain muna. Nag-alok pa siyang siya na lang ang bibili para siya na lang ang lulusong sa baha at kung sino man daw ang gustong humihi, bumaba muna. Yung ilang babaeng pasahero, bumaba at nakiihi sa may kainan sa gilid ng kalsada at yung iba nagpabili ng pagkain. Ako, wala lang. Ayaw kong kumain. Kakain ako mamyang paghupa ng baha. Malakas pa rin ang pag-asa ko. Pero sa isip-isip ko, dalawang baso ng tubig lang pala ang laman ng tiyan ko. Pero kaya ko pa. Di ako gutom. Sa harap ng unibersidad ay mayroong kainan, may kompyuter shop at iba pa. Ngunit dahil sa bugso ng baha, pinasok na rin ang mga ito ng baha.

Walang humpay sa pag-iyak ang langit. Bunga nito ang mas lalo pang pagtaas ng baha sa kalsada. Ang bawat pagbagsak ng malalaking butil ng ulan ay tila gustong bumutas sa bubong ng sasakyan. Sa mga pasaherong kasama namin, may dalawa ng naunang bumaba noong hindi pa masyadong mataas ang baha. Saan kaya sila napunta? Walang magawa sa loob ng fx. Para kaming evacuees sa loob ng sasakyan at nag-aantay ng rescue. Kaya naman sila-sila nagkakwentuhan. Tahimik lang ako. Nakikinig. Minsan pa, nagagawa pa nilang magtawanan sa lagay na yun. Sa hulihan ng fx, tatlo na lang kami nakasakay. Yung magandang babae, Camille ang pangalan. Yung katabi kong lalake si Jc na may pagka-presko ang dating. Ako tahimik lang. Walang imik. Yung Jc, presko pa ata sa malamig na hangin. Kaya ayun, parang Super Friends agad sila ni Camille. Na-idlip na ako. Nakatulog na ako, sila kwentuhan ng kwentuhan. Para tuloy akong tanga. Hindi ako makaayon sa mga hilig at kwentuhan nila.

Lumipas pa ang mga oras. May mga taong naglalakad na sa baha. Di ko mawari kung saan sila galing. Pero may mga pasahero rin na pinili na lang ang sumuong sa baha. Mula sa loob ng fx; nakikita kong hanggang bewang na nila ang taas ng baha. Tumataas pa ang tubig hanggang sa halos kalahati na lang ng taxi ang iyong makikita. Kaya naman, naalarma na ang mga sakay sa unahan at sa gitna dahil nag-umpisa ng pumasok ang baha sa loob ng fx. Nagdesisyon silang bumaba at tuluyang ng suungin ang baha. Sa unibersidad na lang daw sila pupunta para makisilong dahil bukas naman daw yung gate para mga tao. Pero kaming tatlo, nagpa-iwan sa loob. Yung drayber, palakad-lakad sa baha kahit na mataas na ang tubig.

Nagpaiwan kami sa hulihan dahil sa akala naming hindi naman papasukin ng baha ang likurang bahagi ng fx dahil medyo mataas iyon kumpara sa unahan at sa gitna. Lumipas pa ang mga oras. Wala pa ring humpay ang pagbagsak ng mga butil ng ulan. Ang kaninang hanggang bewang na baha ay mas lalo pang tumaas. May mga nakita akong tao na sumuong at halos dibdib na nila ang baha. May isang mama naman na waring nasa dagat lang at handang lumanggoy. Ang ilang pasahero ay mas minabuti na lang na sumuong sa mataas na baha. Basang-basa sila pati ang kanilang mga gamit. May mangilan-ngilan din na binitbit na lang ang kanilang sapatos para huwag mabasa. May mga estudyante rin na lumusong sa baha. Ang iba naman ay binalot ng plastik ang kanilang mga gamit lalo na ang kanilang mga telepono para makaiwas sa pagkakabasa.

Sa ikalawang pagkakataon, binawi ko ang paalam ko na half-day na lang ako papasok. Nawalan na rin ako ng pag-asa na makaaalis pa sa ganuong kalagayan kaya naman minabuti ko na lang na magpaaalam na hindi na ako makakapasok. Mababasa at mababasa ako kahit saang anggulo ko man tignan. Lumipas pa ang ilang oras mula ng umalis ang ibang pasahero mula sa fx, napansin naming tuluyan na ngang pumapasok ang baha sa loob ng sasakyan. Sa likuran ng fx ay mayroong jeep na kaunti na lang ay papasukin na rin ng baha. Naalarma na rin kami. Kaya naman naghanda na kaming tatlo para bumaba at sumuong sa mataas na baha. Huhubarin ko sana ang aking sapatos ngunit sabi ni Jc; “Huwag mo ng hubarin yan. Baka kung may maapakan ka pa diyan sa baha.” Kaya naman labag man sa loob ko na huwag mabasa ang aking sapatos, hindi ko na rin hinubad. Baka nga naman mapahamak pa ako. “Merrell talo-talo na’to. Kailanga eh.”

Mga bandang alas-quatro iyon ng bumaba kami ng fx at sumuong sa baha. May ulan pa ring bumubuhos at malamig ang tubig. Matangkad na ako sa taas na 5’11” pero ang baha ay lagpas bewang ko. Ayaw ko mang sumuong sa baha dahil sa marumi ang tubig ngunit wala akong magagawa. Maraming basurang inaanod at lumulutang. Idagdag pa ang amoy ng gasolina galing sa mga nakatirik na mga sasakyan at humalo na sa baha.

May mga tao pa ring naglalakad sa mataas na tubig-baha kasama namin. Halos lahat papunta sa loob ng unibersidada para sumilong. Ngunit may iba ring malakas ang loob at handang tahakin ang mas mataas na baha sa unahang bahagi ng Kalentong. Dahan-dahan ako sa paglalakad dahil pakiwari ko ay maaanod ako ng tubig. Kung kaming tatlo ay minabuting lumusong na sa baha, may mga tao at pasahero pa rin namang mas piniling manatili sa kanilang mga sasakyan at sa mga jeep. Nang dumako ang aking tingin sa unibersidad, marami na palang mga taong kanina pa duon nakahimpil. Ilang minuto pa at nakapasok na kami sa gate ng unibersidad. Mataas ang kinatatayuan ng nasabing paaralan. Unti-unti na ang aking paghaon sa baha. Mabigat ang pakiramdam ko ng mag sandaling iyon dala ng tubig na pumasok sa aking sapatos at bumasa sa aking pantalon. Ang ulan naman ay sadyang ayaw paawat at wala pa ring humpay sa pagbagsak mula sa kalangitan.

Marami-rami na ang mga taong nakahimpil sa paaralan sa mga oras na iyon. Kasama na ang mga mag-aaral at mga guro ng nasabing paaralan na hindi pinayagang sumuong sa mataas na baha. Wala sino man ang may magagawa sa aming kalagayan. Nakatayo lang kami sa labas ng paaralan habang nakapayong. Ilang oras din kami sa ganuong sitwasyon. Ang mga mag-aaral naman ay tila walang pangamba dahil nagagawa pa nilang maghiyawan. Wari bagang sila ay nagdiriwang ng kanilang Foundation o kaya ay may Intramurals na ginaganap.

Ilang oras pa ang lumipas. Walang awa ang ulan sa pagbuhos nito at siya rin namang pagtaas ng baha sa kalsada. Ang sabi ay lagpas tao ang baha sa may Kalentong at sa may Acacia Lane rin naman ay sobrang taas din ang baha. Imposibleng makalagpas ang sinuman na maglalakas-loob na sumuong. Sumatutal, masuwerte pa rin kaming naroroon sa may bahagi ng paaralan dahil lagpas bewang ko lang ang taas ng baha.

Biglang nagkaroon ng inggay sa gate ng paaralan. Nakita kong ang ibang tao ay tila nag-uunahan palabas ng gate. May narinig akong may rescue raw na dumating. Sa balitang iyon ay tila gumaan ang pakiramdam ko. Sa wakas ay makakaalis na ako sa lugar na iyon. Gustong-gusto ko ng umuwi. Kumain. Maligo. At magpahinga. Ngunit nabigo hindi lamang ako kundi ang lahat ng naroroon. Kwentong kutsero lang pala. Manapa’y, higit pang dumami ang mga tao na humimpil sa unibersidad. May mga dumating pang mga tao papasok sa paaralan.

Nang tignan ko ang aking telepono ay rumehistro sa iskrin na ala-sais na ng gabi. Unti-unti ng bumabalot ang kadiliman sa kapaligiran. Nuong hapon pa lang ay pinutol na ang linya ng kuryente sa lugar na iyon. Si Camille naman ay sinundo ng kanyang boyfriend at nauna ng nagpaalam para umuwi. Suunguin nila ang baha dahil wala namang ibang paraan. Kaming dalawa na lang ni Jc ang naiwang magkasama. Buti nga’y nakilala at nakasama ko si Jc sa ganuong kalagayan. Dahil kung hindi, sobrang maaawa ako sa sarili ko. Napanatag ang loob ko dahil may kasama ako at may kakwentuhan ako para kahit paano ay malibang. Maraming sandali pa ang lumipas. Ang mga tao ay nakatayo lang. Maswerte ang mga nasa loob ng gusali dahil kahit paano ay hindi nila alintana ang ulan at ang malamig na hangin. Ngunit kami ni Jc kasama ang iba pa ay nasa labas. Ilang oras pa kaming nakatayo habang nakapayong. Ang iba naman ay wala talagang dalang panlaban sa ulan at sa lamig.

Hindi ko man masyadong pinapansin ngunit nakakaramdam na rin ako ng gutom. Malakas ang ulan. Mataas ang baha. Walang pagkain. Malamig na hangin. Pagal na katawan. Lahat ay umaasa na huhupa ang ulan kasabay ang pagababa ng baha sa kalsada. Ngunit tila hindi pinapakinggan ang aming pagsusumamo.

Hindi na rin nakatiis si Jc. Tangging kapote lang na gawa sa plastik ang tangging pananggalang niya. Nababasa siya at nilalamig na marahil. Nag-aya siyang pumasok kami sa loob ng gusali. Nakisinggit kami sa mga taong nakatayo sa bukana ng building. Nang makasilong na kami sa loob ng gusali ng paaralan, sa wakas at nakaupo na rin kami kahit sa basa at maruming sahig. Kung noong una’y nagpakasasa kami sa pagkakaupo sa loob ng fx, halos mapagod naman kami sa kakatayo sa labas.

Maraming minuto pa ang lumipas. Kagyat kaming nakikisama sa mga taong nakaantabay sa bukana ng gusali baka sakaling humupa ang baha. Nilibang naman namin ni Jc ang aming mga sarili sa pagliliwaliw sa loob ng gusali sa kabila ng kadiliman ng kapaligiran. May isang matandang lalaking lumapit at nagtanong sa mga dalagang nakaupo sa gilid ng gusali. Sa pakiwari ko, isa siyang propesor ng naturang paaralan. “Kumain na ba kayo? May libreng sandwich dun sa canteen. Libre yun. Wala kayong babayaran.”

Inaya ako ni Jc na pumunta sa canteen. Nahihiya man ako ngunit nagugutom na rin ako. Hinanap namin ang canteen at sa di kalayuan, may nakita kaming mga nakapila. Marahil iyon na ang canteen ng nasabing paaralan. Sumunod kami sa pila. Halos mga mag-aaral lamang ng naturang paaralan ang nasa pila na may kahabaan din at may kabagalan ang pag-usad. Inisip ko na lang, nagugutom na ako. Konting tiis lang sa pagpila.

Ilang minuto pa at nasa loob na kami ng canteen. Halos mga mag-aaral at mga guro ang kumakain. Sabi ni Jc; “Baka exclusive lang ‘to sa mga estudyante.” Inisip ko na lang na kung ganun man, magbayad na lang. Mahaba rin ang pila na aming sinuong.

Sumunod lang ako kay Jc. Kumuha siya ng pagkain na nakalagay na sa plato at ganuon din ang ginawa ko. Akala ko ay tatanungin kami kung estudyante ba kami ngunit sadyang libre talaga ang pagkaing ipinamimigay. Tinatakan kami sa braso at umalis na sa pila. Walang nang gamitan ng pa ng kutsara o tinidor. Buti nga at nasa maayos na lalagyan ang pagkain kaya naman di na kami nag-atabuling magkamay. Bumili na lang kami ng inumin sa botelya para panulak.

Kahit paano ay napawi ang gutom na aking nararamdaman. Pagkatapos kumain, lumabas kami ni Jc ng canteen at muling nakiisa sa mga taong nasa bukana ng gusali at nag-aabang ng paghupa ng baha. Muli, nag-aya si Jc na magliwaliw sa gusali para naman hindi nakakabagot. May mga taong nakisilong at mga mag-aaral sa bawat bahagi ng paaralan. Mula sa ibabang bahagi hanggang sa mag sumunod na palag ng gusali. Nagpapahinga mula sa maghapong pagkakahapo at marahil ay gutom.

Malapit lang sa canteen ng paaralan, may isang lugar duon sa unibersidad na parang tambayan. Malawak ang sakop ng lugar, may bubong at may mangilan-ngilang bilang ng lamesa na sadyang itanayo sa gilid ng nasabing tila tambayan. Ang bahaging malapit sa kantina ay okupado ng ilang mga mag-aaral na nagkukwentuhan at ang iba naman ay di alintana ang pangamba at masaya pang nagtatawanan. Iniayos namin ni Jc ang mahabang upuan na yaring bakal at kahoy nang sa ganuon ay makaupo kami at makapagpahinga ng hindi nababasa ng ulan. Ilang minuto pa ay naglabasan ang iba pang mga mag-aaral ng naturang paaralan. Tila may nagaganap na okasyon ng mga sandaling iyon dahil sa inggay at hiyawan ng mga estudyante. Saka ko lang nalaman na marami pa palang mag-aaral na nakulong sa loob dahil sa baha. Ang mababang bahagi ng paaralan ay lubog sa baha at ang ibang mag-aaral ay lumusong para makatawid mula sa kabilang bahagi ng paaralan.

Sa paglabasan ng ibang mga estudyante, humaba ang pila papasok sa kantina para makakuha ng libreng pagkain. Inilatag ni Jc ang kanyang bag sa upuan. Sabi niya matulog na raw muna kami para makapagpahinga. Sabi ko, “Hindi ako sanay matulog kung saan-saan lang o kahit sa upuan.” Nang mahiga siya, wala na rin akong nagawa kundi ang gumaya dahil magmumukha akong tangga. Magkabilaan kami ng higa. Mahaba ang upuan kaya naman kasya ang dalawang tao kaya naman nakapag-unat kami ng katawan. Ginawa naming unan ang kanyang bag. Buti na lang at makapal ang suot kong jacket kaya naman kahit na umuulan, sapat na iyon para pananggalang sa lamig.

Hindi nagtagal at naidlip na rin ako. Mga bandang alas-dose ng madaling araw ng maalimpungatan ako at tuluyang magising. Tahimik na ang kapaligiran. Wala na ang kaniya’y hiyawan ng mga estudyante. Ang tanging inggay na lang na namumuo sa aking pandinig ay ang hilik ni Jc. May naririnig din akong mga nag-uusap. Hindi muna ako kaagad bumangon. Nang imulat ko ang aking mga mata ay may nakita akong nilalang sa gilid, malapit lang sa upuan kung saan kami nakahiga at nakadungaw sa paligid ng paaralan. May nakita akong usok at apoy na nagmumula sa lalaking iyon. Hawak-hawak ng kanyang isang kamay, manaka-naka ay humihitit ito habang iginagala ang kanyang paningin sa kapaligiran. Ipini-pikit ko ang aking mga mata. May mga ilaw din mula sa flashlight na gumagala sa paligid ng paaralan at sa bawat palapag nito. Sandali pa ay may isang matabang lalaking may bitbit ng flashlight ang lumapit sa kinaroroonan namin. Tila may hinahanap ang nilalang na iyon. Nang iginala niya ang liwanag sa lamesa, umalis naman siya kaagad ng makuha na niya ang kanyang hinahanap.

Nakiramdam muna ako sa kapaligiran bago tuluyang bumangon. Nakita kong may kumpol ng mga taong nangaupo malapit sa kantina kung saan nagmumula ang ingay ng pag-uusap na aking naririnig at ilang dipa rin ang layo mula sa kinaroroonan namin. Nang saktong tumayo ako at papaalis sana para tignan sa may labas ng paaralan, gumalaw ang katawan ni Jc. Kumaluskos ang kanyang suot na jacket at nagising. Nagpaalam ako; “Punta lang muna ako sa may labas. Tignan ko kung humupa na ang baha.”

Tumalilis ako papunta sa may labas ng gusali kung saan naroroon ang mga taong nakahimpil mula pa noong umaga. Tahimik na rin ang buong paligid. Sa pasilyo ng gusali ay may mga nakaupo sa bawat gilid at sulok. Mabilis ang bawat hakbang ng aking mga paa kaya naman di ko halos napansin kung ano na ang pinagkakaabalahan ng mga taong naroroon liban na lang sa mga natutulog habang nakaupo. Paliko ako sa pasilyo papunta sa bukana ng gusali ngunit nakita ko kaagad na naroroon pa rin ang mga taong kanina pa nag-aantay sa paghupa ng baha. Isa lang ang ibig sabihin nito. Hindi pa kami makakaalis sa lugar na iyon. Kaagad akong bumalik sa kinaroroon ni Jc. Sinabi kong hindi pa rin humupa ang baha sa kalsada. Sambit naman agad ni Jc; “Tulog muna tayo ulit.” Ayaw ko na rin sanang muling matulog ngunit naingganyo na rin akong mahiga. Masarap pa ring matulog sa kabila ng aming kalagayan dahil na rin sa lamig ng panahon. Sa katunayan, ilang beses din akong nanaginip.

Lumipas pa ang mag humigit-kumulang sa apat na oras. Mga bandang alas-quatro na ng madaling araw ng may naramdaman akong may tumatapik o bahagyang umuuga ng aking katawan. Nagising ako at ng imulat ko ang aking mga mata, nakita ko si Jc at sabay sabing; “Gising ka na. Uwi na tayo.” Napabalikwas naman ako mula sa pagkakahiga. Sa palagay ko, humupa na ang baha sa kalsada kaya nagyaya na si Jc na umuwi.

Sumunod lang ako sa kanya. Ilang minuto pa, naglalakad na kami papalabas ng gusali ng paaralan. Tahimik na ang kapaligiran. Kapansin-pansin din na malaking bilang ng mga taong naroroon kanina sa gusaling iyon ay hindi ko na makita. Malamang, nagpipag-alisan na rin siguro. Ngunit may mangilan-ngilan pa namang mga tao. Mula sa bukana ng gusaling iyon, nakatanaw kami ni Jc sa kalsada. Totoo ngang humupa na rin ang baha sa harap ng paaralan. Hindi na rin kami nagdalawang- isip ni Jc na tuluyan na ngang lisanin ang lugar na iyon. Naglakad kami palabas ng gate ng paaralan kasama ang ilan pang mga taong gusto na ring makauwi. Malaki na nga rin ang ibinaba ng baha ng mga oras na iyon. Ngunit sa bandang unahan, kitang kita pa rin na mataas ang baha. Nang lumusong na kami, naramdaman ko ang lamig na tila nanunuot sa kaibuturan ng aking mga buto. Wala ng atrasan; sabi namin ni Jc sa isa’t-isa. Ang kalsada ay nagmistulang dagat na kulay lupa. Habang papalayo kami sa paaralan, mas lalo naming nararamdaman ang lamig ng tubig-baha na umaabot pa rin hanggang bewang ko. Halos nasa kalagitnaan na kami ng tila ay gustong bumalik ni Jc. Masyado raw malamig at hindi niya kaya. Bawi ko naman; “Tuloy na natin.” May mga kasabayan din naman kami na sumuong sa baha kaya hindi naman nakakatakot. Habang sinusuong namin ang malamig at mataas na baha, kitang-kita ko na sa halos kalahati na lang ng mga establishimento ang iyong makikita. Maging ang mga bangko ay ganuon din. Nang matapat na kami sa crossing ng Kalentong; yung dakong paputang Punta at sa kabila ay papuntang San Juan, sabi ni Jc; “Mukhang mababaw lang dun sa may papuntang San Juan!”

Dumiretso lang kami. Dahan-dahan pa rin at nangangapa ang mga paa sa malalim na baha. Ilang minuto pa at narating na namin ang tulay. Walang ng baha sa lugar dahil sa mataas iyon ngunit makikita mo ang bakas na umupaw ang ilog sa tulay na iyon. Iba’t-ibang klase ng basura ang nagkalat. Hindi naman mahaba ang tulay na iyon kaya naman kitang-kita agad na sa dulong bahagi nito ay may kumpol ng mga taong tila hindi umuusad. Tulad nang sa harap ng paaralan, marami ring mga sasakyan sa tulay ang hindi pinalad at tuluyang hindi nakaalpas sa kaninang lagpas taong baha. Maraming mga tao ang nakatigil sa tulay na lubos ko namang ipinagtaka kung bakit. Kaya naman, dire-diretso kami ni Jc sa paglalakad hanggang sa unahan. Bumungad sa amin ang isa pang tila mahabang dagat na dapat naming tawirin bago lubusang malagpasan ang baha. Kung nagawa naming tahakin ang lagpas bewang na baha kanina, maaari rin naman siguro naming malagpasan ang isa pang paglalakbay sa baha.

Ayon sa mga taong naroroon, sa may ospital daw lagpas tao o hanggang leeg pa rin ang taas ng baha. Labis naman akong nanlumo sa aking mga naririnig. Tulad ng marami pang mga taong nasa tulay, umasa ako na tuluyan na akong makakauwi mula kalagayang iyon. Ngunit hindi pa pala. Nalagpasan nga namin ang mataas na baha sa may Kalentong, mahihirapan naman kaming lagpasan ang isa pang karagatan sa kalsada.
Sa kabilang dako, may mga taong naunang nagsisibok na suungin ang mataas na baha sa may opspital. Malayu-layo na rin ang kanilang nararating at sa gitna lang sila naglalakad para hindi mapahamak. Tila wala akong takot at sinabi ko kay Jc na; “Subukan natin.” Unti-unti kaming lumusong sa baha. Ilang dipa pa lang at huminto kami para tanawin muna ang mga taong nauna ng sumubok. Kasama ng iba pang gusto ring sumunod, ilang minuto rin kaming nakababad sa baha. Iniisip ko; “Kawawa naman ang sapatos ko. Sobrang babad na sa tubig.” Maya-maya pa at tila ang mga taong matatapang na tinahak ang baha ay bumubalik papunta sa’min; sa tulay kung saan nanduon ang iba pang taong umaasang makakalagpas. Ilang lakad pa sa malalim na baha, nakabalik na sila sa tulay. Sabi ng isa, hindi nila kayang suungin pa ang baha dahil lagpas tao pa rin sa unahan. Kaya naman mas lalo akong nanlumo. Sabi ko kay Jc; “Subukan kaya nating duon sa San Juan dumaan, baka sakaling hindi masyadong mataas ang baha?”

Kaya naman walang kaabog-abog na lumusong muli kami ni Jc sa baha papuntang crossing Kalentong. Nang mga sandaling iyon ay umaambon na ngunit hindi rin tumuloy. Sa muling paglusong namin sa baha pabalik, may nakasabay kaming dalawang babae na nasa edad mga lagpas trenta at ang isa naman ay sa mga huling bahagi ng vente años. Sa San Juan lang sila nakatira, malapit din lang naman sa Kalentong at naghahanap lang pala sila ng makakasabay sa paglusong sa baha. Sakto naman at sadya talaga namin ni Jc na dumaan na lang sa San Juan kahit na medyo mapapalayo ang paglalakad namin. Hanggang bewang pa rin ang baha. Muling nanuot ang lamig ng tubig sa buo kong katawan. Dahan-dahan kami sa paglalakad sa malalim na tubig. Nang nasa kalagitnaan na kami ng kalsada, may ilang tao ang nauna ng sumuong sa baha papuntang San Juan. Halos hindi pa rin ako makapaniwala na lubog sa baha ang bawat sulok ng kalsada. Halos pangalan na lang ng mga bangko at iba pang establishimento ang iyong makikita dahil sa sobrang taas ng baha. Ilang lakad pa, natatanaw na namin na walang baha sa mataas na bahagi ng kalsadang iyon. Hindi ako pamilyar sa mga lugar ng San Juan. Ang tanging natatandaan ko lang ay ang F. Manalo. Sa dulo ng baha, tulad ng sa tulay, ay mayroon ding mga sasakyan na nabalam at hindi na nakausad pa sa mataas na baha. Kasama ng mga sasakyan, ay nakaharang din sa gitna ng kalsada ang mga basura. Matapos naming makatawid sa karagatan ng baha, laking ginhawa ng sa wakas ay semento na ang aking nakikita dahil mataas ang bahaging iyon ng San Juan. Dalawa na lang kami ni Jc na naglalakad. Ang dalawang babaeng kasama namin ay nauna nang nakauwi. Maswerte ang lugar na iyon dahil may mga jeep at pribadong sasakyan ang nakakabyahe sa lugar na iyon. Hindi ko na alintana ang pagal dulot ng paglalakad. Nakaramdam ako ng muling pagkagutom ngunit kaya pa namang tiisin. May nadaanan naman kaming baha sa may bandang Agora ngunit lagpas lamang sa paa.

Ilang oras pa ay papalapit na kami sa may SM Centerpoint. Baha rin sa lugar na iyon. Maraming tao ang aming nakasalubong at nakasabay galing sa naturang mall at pauwi pa lang. Tulad namin ni Jc, ang mga taong iyon ay pansamantalang tumigil sa mall dahil sa mataas na baha. Pati ang mga empleyado ng naturang mall ay pauwi palang ng mga oras na iyon. May mga tao naman na sa palagay ko ay gumala lamang sa mall ng nakaraang araw at minalas na hindi nakauwi. Sa ilalim ng LRT V. Mapa ay may baha pa rin. Nadadaanan na rin ng mga sasakyan ang nasabing kalsada at kahit na hindi kataasan ang baha; malakas naman ang hampas nito na tila alon sa karagatan tuwing may dadaang sasakyan.

Ilang kanto na lang at malapit na ako sa Altura. Napadaan kami sa isang outpost sa may bandang Stop and Shop. Nanlumo ako sa aking nakita. Sa labas ng outpost ay isang taong nakahiga. Noong una ay inakala kong sinadya ng taong iyon na duon mismo mahiga. Ngunit habang papalapit kami, nakita ko ang isang kandilang nakatirk sa may paa nito at ang mga kamay ay nakataas na tila ay may gustong hawakan ngunit nakahulagpos. Tumambad sa akin na isa na palang bangkay ang nilalang na iyon. Matanda na, nakasuot ng jacket at tamang hinila ko ay nalunod.

Sa may Santol at Altura ay walang baha. Napakaswerten naman ng lugar na iyon kumpara sa iba. Naghiwalay na kami ng landas ni Jc. Kahit may biyahe ng papuntang Divisoria at Quiapo, maglalakad na lang siya. Mula Altura, sumakay ako ng traysikel papunta sa amin. Mga bandang ala singco y media ng ako ay makarating sa bahay. Basang-basa ang aking pantalon at ang aking sapatos. Parang wala lang nangyari. Sa lugar namin ay walang bakas ng pangamba sa dumaang bagyo at malakas na ulan ng nakaraang gabi. Sa amin naman ay inabutan kong mahimbing na natutulog ang mga tao. Hindi nila alam ang aking dinanas na hirap.

Agad akong naligo para makapaglinis ng katawan. Pagkatapos kong kumain, tila nabigla ata ako at nakaramdam ako ng pananakit ng sikmura. Acidic pa naman ako kaya tuwing nalilipasan ng gutom at biglang kumain, aatakihin ako nito. Kailangan kong makapagpahinga kahit ilang oras para makapasok ng araw na iyon ng Linggo. Alas dose ang pasok ko. Ngunit dahil alas dies na ako nagising dahil sa sobrang pagod, hapon na ako nakapasok. Sa EDSA na rin ako dumaan at sumakay ng tren, walang baha at sigurado na akong makakapasok.

No comments: