Wednesday, November 24, 2010

STORY: MANIC MONDAY



November 22, 2010. According to my plan, after my 300 PM shift, I'll be going to St. Luke's Hospital for my PT.

Mga bandang alas-dos pa lang ata nun, mula sa aking station, nababanaag kong tila masama ang lagay ng panahon sa labas. Alam kong pumapatak na ang luha ng kalangitan sa kalupaan. May pagkabigo akong naramdaman na baka di ako makapunta ng St. Luke's.

Dumating ang alas-tres. Minabuti kong tapusin ang aking ginagawa para maaga akong makalabas ng office. Mula sa loob ng opisina, nakikita ko sa salamin ang malalaking butil ng ulan na bumabagsak mula sa kalangitan. Nasa 26th floor ang aming opisina. Wala na ring makita sa labas dahil sa kapal ng ulan.

Aantayin kong tumila ang ulan nang sa ganoo'y makapunta ako ng ospital. Si Amihan na dapat ay kasama kong mag-MRT ay nagmadali nang umuwi.

Nag-antay pa ako ng ilang minuto. Tapos na ako sa aking trabaho. Palakad-lakad sa floor at paminsan-minsan ay nakikipagkulitan.

Nang mapatingin ako sa aking relo, alas-tres y media pa lang pala. Maaga pa naman. Nang dumungaw ako mula sa salamin ng bintana, maaliwalas na rin ang kapaligiran. Tila huminto na ang ulan. Nagdesisyon akong bumaba na para makaalis. Kasama kong bumaba ng building yung iba kong mga katrabaho.

Nang makarating kami sa baba at makalabas ng building, may ulan pang bumubuhos ngunit di katulad nang naunang oras. Nagsipag-alisan na sila. Nagpaiwan ako sa baba dahil wala akong payong o anumang pananggalang sa ulan.

Mga bandang alas-quatro iyon, halos pawala na ang ulan. Muli akong umakyat ng building. Inaya ko si Ella na umuwi na para may kasama rin ako papunta ng EDSA ngunit di pa raw siya uuwi. Nang mag-desisyon akong bumaba na at umalis mag-isa, pabalik na naman ang ulan. Nagtatakbo ako palayo ng building. Di pa naman kalakasan ang ulan ngunit nababasa na rin ako. Takbo. Takbo. Takbo. Iyon ang ginawa ko hanggang sa makarating ng Shangri-La.

Habang sa loob ng malamig na mall, ramdam ko ang pawis sa aking katawan dulot ng pakikibaka sa ulan.

Sa MRT station naman, di rin naman masyadong matao. Sakto lang. Ngunit sa pangalawang train pa ako nakasakay mula nang makarating ako sa platform. Bumaba ako ng Cubao. Gusto kong malamigan ang aking pakiramdam kaya naman dumaan ako sa Starbucks Gateway. Bumili ako ng Strawberry Chip.

Mula sa Aurora Blvd, sumakay ako ng fx paputang Quiapo. Bababa ako ng St. Luke's. Mga ilang minuto pa ng biyahe, nararamdaman ko na ang traffic sa kalsada. Medyo bumabagal na ang usad ng mga sasakyan. Nagawa namang makawala ng driver ngunit maya-maya pa'y umiba siya ng ruta. Paalala ko sa driver, "Kuya may St. Luke's po."

Umiwas pala ang driver sa traffic kaya umiba siya ng ruta. Habang nasa fx, naririnig ko ang bawat pagpatak ng ulan sa bubong ng sasakyan.

Ilang streets pa ang aming dinaanan, kumanan na si Kuya sa may fastfood chain sa E. Rod Ave. Mula doon, ramdam ko na ang traffic. Mabagal na nga ang usad ng mga sasakyan. Hinihiling ko na sana ay di pa magsara ang pupuntahan ko sa main hospital. Usad pagong na ang mga sasakyan. Ilang minuto pa, malapit na akong bumaba.

At nang dumating na ang fx sa may harap ng St. Luke's, dali-dali akong bumaba. Mabilis ang bawat paghakbang ng aking mga paa dahil umuulan. Dumiretso ako sa Cathedral Building. Pumunta ako sa 7th floor para magpa-refer. Nang malapit na ako sa pinto ng aking pupuntahan, umupo ako dahil may kukunin ako sa aking bag. Saka ko lang napagtanto na di ko pala dala ang referral form na galing sa company doctor namin. Laking panghihinayang ang aking naramdaman. Nauwi sa wala ng aking paghihirap na ginawa para lang makapunta sa St. Luke's. Di ko man lang naalala na kunin sa aking pedestal ang referral form at ilagay sa aking bag. Ang tanging dala ko lang ay ang x-ray result ko nuong nakaraang September.

Walang pag-aatubiling nilisan ko ang lugar na iyon hanggang sa makalabas ako ng St. Luke's. Umuulan pa rin ngunit balewala na sa akin. Nag-abang ako ng masasakyang fx papuntang Rotonda. Wala akong kamalay-malay na ilang minuto pa ay mararanasan ko na ang paghihirap sa E. Rod Ave dahil sa pakiwari ko ay nasa tama pa naman ang daloy ng traffic nang mga oras na iyon. Normal lang naman ang ganong eksena sa mga ganong oras.

Wala na akong masakyang fx. Sa kalaunan ay minabuti ko na ring sumakay na lang sa jeep paputang Rotonda, tutal malapit na rin naman, mga kinse minutos lang ang biyahe.

Ngunit maya-maya pa ay tila natutulog na pagong na ang usad ng jeep. Saka ko palang naunawaan na napakaraming sasakyan pala sa kalsada, mapa-pribado man o pamasada. Ang kinse minutos na sana ay byahe mula St. Luke's hanggang Rotonda ay kumain ng napakahabang oras. Hindi pa kami nangangalahati at tila ay di pa rin kami umaalis mula sa harap ng ospital.

Sobrang inip ang aking naramdaman. Bagot at asar idagdag pa ang ulan. Ilang oras pa, ang kalsada ng E. Rod ay tila naging parking lot sa dami ng mga sasakyang nakahimpil. "Bat nga ba di na lang ako maglakad? Siguro mas mabilis pa ito kesa sumakay sa jeep."

Ngunit natakot akong baka mataas ang baha sa unahan ng kalsada. Naranasan ko na kasing hindi makadaan sa E. Rod Ave noon dahil sa baha. Kaya naman minabuti ko muna sa loob ng jeep dahil sa umuulan pa rin naman.

Lagpas ala-siete na, nasa harap pa lang kami ng De Los Santos - STI. Walang pagbabago sa usad ng mga sasakyan. Nagdadalawang-isip akong bumaba.

Isa. Dalawa. Tatlo... May nag-babaan na sa jeep. Sa kalaunan, nagdesisyon na rin akong bumaba ng jeep at maglakad na lang mula Araneta hanggang Rotonda. Mahina na rin ang ulan.

Saka ko lang nalaman na wala namang palang baha sa E. Rod Ave. Ang sobrang usad pagong ng traffic ay sanhi pala ng banggaan sa kalsada ng Araneta. Dumagdag pa rito ang mga nag-uunahang mga sasakyan na ayaw magbigayan sa traffic.

Lakad. Ambon, Tuloy pa rin ako sa paglalakad. Marami rin ang mga naglalakad na lang imbes na magmukmok sa mga sasakyan. Ang kalsada ay tila isang napakahabang parking lot na punung-puno ng mga sasakyan.

Mas magaan ang pakiramdam ko nang naglalakad kaysa nasa loob ng jeep at nag-aantay sa kawalan. Habang naglalakad, nakikita ko ang ibang mga pasahero na minabuti pa ring mamalagi sa loob ng jeep. Mabilis ang aking paglalakad at hindi alintana ang bawat patak ng ulan.

Sa huli, nakarating ako ng Rotonda. May mga taong nag-aabang ng sasakyan paputang Cubao at sa kabila naman ay papuntang Quiapo. Kumpara sa traffic sa may Araneta, malinis ang kalsada malapit sa Rotonda. Alam kaya nila ang mabagal na mundo sa gitna ng E. Rod Ave?


PLEASE WATCH THE NEWS VIDEO FROM BANDILA

No comments: