Sunday, March 13, 2011

SI DESTINY AT AKO


Hindi ko na maalala kung kailan ko siya unang nasilayan. Ngunit maaaring nitong buwan ng Enero o Pebrero. Subalit isa lang ang nasisigurado ko. Na tuwing pupunta ako ng Greenhills, lagi ko siyang nakikita. Tatawagin ko siya sa pangalang Destiny. 

Umaga iyon nang nasa Greenhills ako kasama ang isa kong katrabaho. Sa katunayan, kakagaling lang namin noon sa opisina dahil may pasok pa kami nang nakaraang gabi.

Mga ilang minuto bago mag-alas nueve ng umaga. Naghihintay kami sa baba ng isang gusali ng may makita akong nilalang na naglalakd sa kalsada. Marahil mga ilang hakbang lang iyon mula sa kinatatayuan namin. Parang pamilyar ang itsura niya. May pagkakahawig kasi siya sa kakilala at kaibigan ko dati. Sa tingin ko, nasa 5'9" ang taas niya, maaliwalas ang kanyang mukha, mababanaag na makinis iyon. Maputi ang kanyang balat. Kahit sa unang tingin, masasabi kong maganda ang kanyang mukha. At sa palagay ko, hindi kami nagkakalayo ng edad. 

Dahil sa kanya, waring nakita ko uli yaong kakilala at kaibigan ko dati. Bigla tuloy akong nagka-interes sa kanya. Gusto kong malaman ang kanyang pangalan. At kung saan siya nagtatrabaho. Sa postura niya, parang galing din siya sa pang-gabing trabaho. Nakasuot siya ng jeans at jacket. "Meron na rin bang call center sa bandang Greenhills?"

Sa sumunod na pagpunta namin sa Greenhills, halos sa magkaparehong oras nang una ko siyang nakita, nakita ko ulit si Destiny. Naglalakad ulit siya. Marahil yung mga taong nakita ko na naglalakad din ay kaopisina niya. At hindi nga ako nagkamali. Hindi ko na maalala kung mag-isa ba siya o may kasama siya nang tagpong iyon. Sa hulihan, may isang grupo ng mga katrabaho niya at bigla siyang tinawag. Nasisigurado kong siya ang tinawag ng babae dahil si Destiny lang naman ang nasa unahan nila. At sa pagkakakita ko, lumingon si Destiny sa kanyang likod para ikompirma ang tawag sa kanya.

Sa malas, hindi ko naunawaan ang pagkakasigaw ng kanyang pangalan. Pilit kong intindihin ngunit hindi ko mabuo ang tunay na pangalan ni Destiny.

Gustuhin ko mang idetalye ang bawat sandali sa tuwing makikita ko si Destiny subalit hindi ko na mabuo ang mga kwento. Kaya naman ang ilalahad ko ay yaong nakita ko siya noong ika-lima ng Marso.

Pasado ala-siete ng umaga ng lisanin namin ang opisina mula Ortigas (mula sa pang-gabing pasok sa trabaho). Nagkayayaan kaming kumain muna ng almusal dahil nagugutom na rin kami pare-pareho. Sumakay kami ng taxi patungong Greenhills. Dumiretso kami ng Jollibee malapit sa Wilson St.

Nang mga sandaling iyon habang nasa Jollibee kami, nag-alala ako. "Tiyak, hindi ko nito makikita si Destiny." Dahil sakali mang lumabas nang opisina si Destiny, hindi niya madadaanan yung Jollibee.

Mga ilang minuto bago mag-alas nueve ng umaga. Nagdesisyon kaming umalis na doon sa Jollibee. May kaunting ambon nang umagang iyon.

Nagwiwithdraw ang katrabaho ko sa BDO (nasa baba iyon ng gusali kung saan ang sadya namin) nang masilayan ko si Destiny na papunta sa aming kinaroroonan.  Kasama niya ang kanyang katrabaho, pumila siya doon sa ATM. Sa unang pagkakataon, lubos kong nasilayan ang maamo at magandang mukha ni Destiny. Nakakakilig ang tagpong iyon. Akala ko, iyon ang unang pagkakataon na hindi ko makikita si Destiny. Ngunit nagkamali ako. Halos isang dipa lang ang agwat namin ni Destiny at abot-kamay ko na siya. Hindi ko maitago ang aking nararamdaman. Pilit ko mang huwag siyang titigan ngunit hindi ko maikubli ang aking mga mata sa kanya. Kaya naman sabi ko sa katrabaho ko, "Mamya ka na. Sila na muna paunahin mo."

Hindi siya nagtagal at parang dismayado si Destiny. Bigla siyang tumalikod at sakto namang may parating na taxi at agad niya iyong pinahinto. Sumakay siya kasama ang kanyang katrabaho. "Saan kaya siya nakatira?" Ang direksyon ng taxi ay daang patungong San Juan - Quiapo.

Base sa kanyang ID lace, nagtatrabaho siya sa Magellan Solutions. At halaw naman sa nakuha kong impormasyon, isa nga itong outsourcing company. May opisina sila sa Security Bank Building na katabi lang ng gusali kung saan ang sadya namin.





No comments: