Tuesday, July 26, 2011

HULYO DIECISIETE: UNANG TANGKA SA BARIUM ENEMA AT ANG BLOOD TEST (USAPANG PUSO SA PUSO PART IX)


Madaling araw nang gisingin ako ng paghilab ng aking tiyan. Waring may naganap na digmaan sa loob ng aking tiyan at ngayon, ang mga bakas ay tila gustong humulagpos. Tila baga ang mga bakas na ito ng rebolusyon ay gustong kumawala at gustong maging malaya.

Nagsimula na ang epekto ng Laxatrol.




Hindi kanais-nais ang lasa ng Laxatrol. Nang una kong uminom nito nang nagdaang gabi, sabik pa naman akong matikman dahil orange flavor ito. Ngunit, nang simulan ko na itong lagukin, gusto kong magprotesta at isuka. Para akong uminon ng tinunaw na plastik o kaya'y gasolina. Ang malapot na likidong ito ay unti-unting dumaloy sa aking lalamunan, masagwa ang lasa at naging walang silbi ang pagiging orange flavor nito. Makalipas ang treinta minutos, ang Magnesium Citrate naman ang sinimulan kong inumin. Kumpara sa Laxatrol, mas mainam ang lasa ng Magnesium Citrate. Ang lasa nito ay parang isang energy drink. Nag-aagaw ang lasa ng tamis, asim at alat. 

Sinubukan kong matulog ulit dahil mahaba pa naman ang oras. Mga bandang ala-seis nang umaga ng muli akong magising. Hindi na pwedeng kumain ng agahan at uminom ng tubig. Kailangang malinis ang loob ng aking tiyan para sa gagawing barium enema

Sakto lang nang dumating ako sa St. Luke's Hospital. Linggo kaya naman wala masyadong tao sa ospital at dahilan para madali akong naasikaso. Unang hakbang sa proseso ng barium enema ay nang kunan ako ng x-ray. Ito ay para matiyak na malinis ang aking large intestine. Kung sakali ngang malinis, kaagad-agad na isasagawa ang barium enema ngunit sakali mang hindi pa rin, ipapaliban ang proseso. 

Kumpara sa x-ray na isinasagawa sa dibdib, pinahiga ako sa isang higaan. Sa gilid nito ay nakakabit ang isang malaking makina. Habang ako'y nakahiga, sinimulan ang pagkuha ng imahe gamit ang x-ray. Automatiko ang malaking makina sa pagkuha ng imahe. Ang x-ray ay nasa itaas ko. Naisip ko lang na kung sakaling malaglag ang nasabing makina habang ako'y nakahiga, ano kaya ang mangyayari sa'kin. Mukha pa namang mabigat iyon.

Sa hindi magandang pagkakataon, ayon na rin sa resulta ng unang x-ray, hindi pa rin malinis ang aking malaking bituka. Abiso sa'kin ng ilang medical staff, ilabas ko raw kung sakali pang may ilalabas ako. Ngunit sakaling mang mabigo sa araw na iyon, maaaring ipagpaliban ang proseso ng barium enema.

Imbes na manatili sa ospital; kahit sa totoo lang, maganda ang mga banyo sa St. Luke's Hospital; minabuti ko pa ring umuwi na lang sa aming bahay. Tutal malapit lang naman ang ospital sa'min. Bago umuwi, dumaan muna ako sa Pathology para makuha ang resulta ng aking blood test.





Ilang minuto pa lang nang makarating ako sa bahay, naramdaman kong kailangan kong magpunta ng banyo. Sa ikatlong pagkakataon nang araw na ito, umepekto ang Laxatrol

Bago magtanghali, naghanda ako para bumalik sa ospital. Bago rin ako umalis ng bahay, naramdaman ko ang epekto ng Laxatrol sa ika-apat na pagkakataon.

Ngunit sa ikalawang pagkakataon, hindi naging maganda ang imahe sa x-ray ng aking bituka. Kaya naman, ipinagpaliban ang proseso ng barium enema. Babalik ako sa Hulyo veinte. Ngunit nangangahulugan itong kinakailangan kong uminom muli ng mga gamot; ang Laxatrol at ang Magnesium Citrate

Gutom na rin ako kaya naman minabuti kong umalis na rin sa ospital. Tutal, wala naman akong masyadong gagawin kaya naman napagdesisyunan kong pumunta sa kapatid ko sa Bulakan. Kailangan ko ng soft diet kaya naman para maibsan ang gutom habang nasa biyahe, dumaan ako sa 7Eleven na nasa harap ng St. Luke's. Bumili ako ng mineral water at dalawang doughnut (isang big dunk at yung regular). 

Lagpas tanghali na nang dumating ako sa Bulakan. Hindi ko rin sana nais ngunit inalok pa rin akong kumain. Hindi ko na lang kinain yung manok na sahog sa sotanghon. Maya-maya pa't, may nagbigay sa kanila ng pagkain mula sa kapitbahay. May pansit, mga karneng ulam, letson at leche flan. Ayaw ko na rin sana ngunit ilang beses din akong inalok na muling kumain. Tanging pansit at leche flan lang ang aking kinain dahil pansamantala kong iniwasan ang karne.

Hapon nang magbiyahe ako pabalik ng Maynila. Nakaligtaan kong inumin ang akong gamot sa hypertension kaya naman habang nasa biyahe, ininom ko ito. Ilang minuto pa't napaidlip ako sa biyahe. Nang magising ako, tila may masama sa aking lalamunan. May kaunti itong sakit nang lumunok ako. Hindi ko iyon masyadong pinansin dahil inisip kong baka sa gamot na ininom ko. May pagkakataon kasi na kung iinom ka ng gamot at walang tubig, minsan tila may bakas na naiiwan sa lalamunan o kaya'y parang hindi pa kaagad nalulunok at ilang minuto pang nanatili sa lalamunan. Ang tila kaunting kirot sa lalamunan ay ramdam ko hanggang sa makauwi ako ng bahay at gumabi.


No comments: