Tuesday, August 2, 2011

HULYO VEINTE: ANG IKATLONG TANGKA SA BARIUM ENEMA




Photo Credit: http://www.ceessentials.net/article17.html


Miyerkules. Wala akong pasok sa trabaho kaya naman itinaon ko sa araw na ito na maisagawa ang barium enema (sana para matapos na 'to). Nang nakaraang araw, nang nasa bahay na ako (galing ako sa St. Luke's Medical Center), tumawag ako sa Radiology para malaman kung pwedeng late in the morning na ako makapunta ng ospital para siguradong nailabas ko nang lahat ang laman ng aking intestine. Sumang-ayon naman ang babaeng kausap ko sa kabilang linya at wala naman daw problema.

Muli, madaling araw nang umatake sa'kin ang natural na epekto ng Laxatrol. Kung hindi ako nagkakamali, mga apat na beses atang nagkaroon ng giyera sa aking intestine hanggang sa maghanda ako papuntang ospital. Sa totoo lang, lagpas alas-once nang umaga ng ako'y makarating sa St. Luke's Medical Center

Dumiretso ako sa lobby ng Radiology kung saan nag-aantay ang mga pasyente para makuhanan ng x-ray. Ibinigay ko ang aking registration/receipt form (para sa barium enema procedure) sa isang medical staff na nakaupo sa receiving ng naturang lobby. Sa hitsura nito ay de-pamilyadong tao na; maliit lang siya at may bigote. 

Medyo nahihiya na nga rin ako dahil parang kilala na ako ng ibang staff doon sa Radiology. May ilan kasi sa kanila ang mga naunang umalalay sa'kin nang una at pangalawang x-ray ng large intestine ko at ngayon ay nandoon pa rin ako at hindi makaabante sa susunod na gagawin sa barium enema

Dahil ilang minuto na lang ay magtatanghali na at halos wala masyadong pasyente na nag-aantay para sa x-ray, makailang minuto pa lang ay tinawag na ang pangalan ko.

Parang interogasyon ang ginawa sa'kin ng mamang nilagakan ko ng aking mga papel. Kasama ang isa pang medical staff (siya ata yung unang nakausap ko sa registration ng gagawin sa'kin at nagpaliwanag ng mga dapat at hindi dapat gawin para sa barium enema), tinanong nila kung may schedule ako sa araw na ito. Sinabi kong ipinagpaliban ang barium enema sa'kin ng Miyerkules mula noong Linggo. Doon ko lang napagtanto na mali pala ang naisulat sa aking registration/receipt form ng isang medical staff noong Linggo. Imbes na Hulyo veinte ang petsa, naisulat niyang veinte uno ngunit tama naman ang araw ng Miyerkules na naisulat niya. Nang kuwestiyunin naman kung bakit hindi ako dumating sa tamang oras na nakasaad (mga dapat ala-siete cuarenta y cinco ng umaga rin dapat tulad ng nauna), sinabi ko namang tumawag ako sa Radiology nang nakaraang gabi kung puwedeng late in the morning na ako pumunta ng ospital. 

Mabait naman yung dalawang kumausap sa'kin, nagtataka lang siguro sila kung bakit ako nandoon dahil ibang petsa ang nakasulat sa aking registration form. Bumalik ako sa aking kinauupuan at ilang sandali lang ay muling tinawag ang aking pangalan. Pinasunod ako sa x-ray room para muling makuhanan ng imahe ang aking large intestine

Matapos ang x-ray, bumalik ako sa lobby at umaasang sana'y naging malinis na ang aking intestine ng sa gayo'y maisagawa na ang barium enema

Kaunting paghihintay lang at muling tinawag ang aking pangalan. Sa pagkakataong iyon, isang doktor mismo ang siyang lumapit at nagpaliwanag sa'kin. Di tulad nang una at pangalawang x-ray ko na pawang mga staff ang siyang nagpaliwanag sa'kin. Matapos nilang ipasuri ang imahe ng x-ray sa doktor, sila rin ang maghahatid sa'kin ng konklusyon mula sa doktor.

Tila ayaw akong pagbigyan ng tadhana na maisagawa sa madaling panahon ang barium enema.

Ayon sa doktora, hindi pa rin malinis ang aking large intestine. Ayon sa kanyang karanasan, batay sa imaheng nakuha sa x-ray, maaaring makaramdam ako ng discomfort sakaling isagawa ang barium enema. Naintriga tuloy ako kung pa'no at ano nga ba ang gagawin sa barium enema. May nabanggit kasi ang doktora na may ipapasok sa'kin at baka mahirapan daw ako kaya nararapat na malinis ang malaking bituka. Pinapili naman niya ako. Depende pa rin daw naman sa magiging desisyon ko kung gusto kong ituloy sa araw na iyon ang barium enema o kaya'y ipagpabukas na lang. Naisip ko na matagal-tagal pa ata yung susunod kong walang pasok sa trabaho. Tumatak din sa’kin yung maaring discomfort na mararanasan ko kaya naman, nagpadesisyunan kong ipagpabukas na lang, ika-veinte uno ng Hulyo. 

Sa pangyayaring ito, isa rin lang ang kakahinatnan nito, iinom ulit ako ng Laxatrol at Magnesium Citrate. Nabanggit ko sa doktora kung may alternatibo para sa Laxatrol. Liban daw dito, wala na silang inirerekomendang gamot. Kaya naman, pinayuhan niya akong ihalo ito sa juice para mawala ang masamang lasa nito. 

Muli akong dumiretso sa pharmacy. Ang pharmacist nang nakaraang araw ang siyang nasa counter kasama ang iba pa. Sa pagkakataong ito, hindi na niya ako pinagbigyan. Bumalik daw ako sa Radiology at kumuha ng reseta.

Sa Radiology, nakasalubong ko yung mamang may bigote at agad akong napansin. Nagtanong ako kung puwedeng makahingi ulit ng listahan ng mga kailangan para sa barium enema. Tinawag niya ang babaeng staff na siyang kasama niya kanina para asikasuhin ako. Sinabi kong ayaw akong pagbilhan sa pharmacy.

Liban sa Magnesium Citrate na tanging sa St. Luke's Medical Center pharmacy lang puwedeng bilhin, doon na rin ako bumili ng Laxatrol. Wala na kasing ibang Mercury Drug na malapit sa'min. Yung ibang independent drug store ay hindi nagbebenta ng Laxatrol. Hindi na rin ako umasa na mayroon ng stock sa Mercury Drug na malapit sa St. Paul dahil noong nakaraang Sabado lang, ay wala sila nito sa imbentaryo.

Nagpaalam na rin ako sa opisina na magle-leave ako kinabukasan.

No comments: