Wednesday, May 9, 2012

OKA TOKAT! SANIB




Si Cheryl ay isinilang at lumaki sa Lipa. Mayroon siyang kakambal, si Shirley. Pareho silang maganda at walang itulak kabigin sa kanila. Bawat isa ay may katangian na tiyak na magugustuhan ng sinumang lalaki.

Si Cheryl ay magaling mag-drawing. Napakahusay ng kanyang kamay sa paggawa ng mga paintings. Magaling din siyang sumayaw at kumanta. Samantala, si Shirley ay mahilig naman sa sports. Nage-excel siya sa mga larong pampalakasan sa eskuwelahan lalo na sa swimming. Marami siyang medalya at trophy na natanggap at ang mga iyon ay naka-display sa kanyang silid.

Third-year college na silang pareho nang dapuan si Shirley ng karamdaman. Na-detect ng doktor na mayroon siyang breast cancer at iyon ay Stage 2 na. 

Binawalan na si Shirley na sumali sa mga competitions dahil mahina na ang kanyang katawan pero hindi iyon ininda ng dalaga. Ilang inter-university competition pa ang sinalihan niya at nanalo naman siya.

Noong nasa 4th year college na si Shirley ay lumubha ang kanyang kanser. Bagaman uma-absent siya sa eskuwelahan, hindi niya ipinaaalam na mayroon siyang kanser. Hanggang sa sumapit ang final competition sa swimming kung saan siya kalahok. 

Ang mananalo sa competition na iyon ay lalahok sa Beijing, China. Mahinang-mahina si Shirley at alam ni Cheryl na hindi makasasali ang kapatid. Maging ang mga magulang nila ay malungkot dahil alam nila na iyon ang pinakaaasam-asam ni Shirley.

Ilang araw bago maganap ang kumpetisyon ay kinausap ni Sherly ang kakambal. Pinakiusapan nito na sumali sa contest at magkunwaring siya.

Hindi pumayag si Cheryl pero nang umiyak si Shirley ay tinanong niya ang mga magulang kung ano ang nararapat gawin. Hirap sa pagdedesisyon ang mga magulang kaya si Cheryl din ang tinanong kung kaya ba niyang sumali. Alam kasi nila na 'di hamak na mas mahusay si Shirley sa paglangoy kumpara sa kakambal.

Pero naglambing si Shirley sa kapatid at hiniling na sumali sa competition. Sinabi pa niya na ipagdasaral niya na manalo si Cheryl. Bagaman napipilitan lamang, pinagbigyan ni Cheryl ang kapatid lalo na nang sabihin nito na iyon ang kanyang huling kahilingan. 

Noong araw ng laban, nagdaan si Cheryl sa ospital para magpaalam sa kapatid. Hiniling nito na ipagdasal siya ng kakambal para huwag lumabas na kahiya-hiya.

Bago magsimula ang competition ay nakaramdam ng kakaiba si Cheryl. Nanlamig ang buo niyang katawan at tila may kuryenteng pumasok sa kanyang mga paa. Pakiramdam ni Cheryl ay may espiritu na pumasok sa katauhan niya.

Nang oras na ng competition at kasalukuyang nakikipagbuno si Cheryl ay para siyang malaking isda na lumalangoy sa dagat. Napakabilis ng kanyang kilos at malayo ang agwat niya sa kalaban. Siya ang itinanghal na kampeon. 

Pag-ahon sa tubig, nakita niya ang ama at kapatid na bunso na umiiyak. Buong akala ni Cheryl ay naiyak ang mga iyon sa tuwa. Hindi niya alam na habang nasa swimming pool siya ay yumao na si Shirley.

Nalaman lamang ni Cheryl na patay na ang kakambal nang sabitan siya ng medalya at ihayag na magtutungo siya sa China bilang kinatawan ng Pilipinas sa inter-university competition.

Hindi makapaniwala si Cheryl nang marinig ang balita. Ngatal ang katawan niya na yumakap sa ama. Sa morgue na niya inabutan ang kakambal at doon niya inialay ang medalya. Suot ni Shirley ang medalya nang iburol. 

Habang nakaburol ang kapatid, napag-isip-isip ni Cheryl na pumasok sa katauhan niya ang kaluluwa ni Shirley kaya kakaiba ang pakiramdam niya bago magsimula ang competition. 

Gabi-gabi, binubulungan ni Cheryl si Shirley na tulungan siya sa competition para maging over-all champion. Kahit nakahimlay na ang kakambal, tila nagkaintindihan ang dalawa. Alam ni Cheryl na hindi siya pababayaan ng kapatid. Makalipas ang libing, nagbago ang interes ni Cheryl. Pansamantala niyang kinalimutan ang pagpipinta at lagi siyang nag-eensayo ng swimming. Pati ibang exercise na paboritong gawin ng namatay na kakambal ay siya niyang ginagawa palagi.

Isang linggo bago ang competition, tumulak patungong China si Cheryl. Samantala, sumunod ang kanyang ama dalawang araw bago ang araw ng kumpetisyon.

Gabi-gabi, kinakausap ni Cheryl si Shirley. Hinihiling sa kapatid na tulungan siyang manalo. Bagaman hindi nakikita ang kakambal, nararamdaman ni Cheryl na binabantayan siya ng kapatid.

Pagsapit ng araw ng competition, muling nakaramdam ng kakaiba si Cheryl. Sa pagkakataong iyon, nasisiguro niya na ginagabayan siya ng kapatid.

Alam din niya na papasok sa katauhan niya ang kaluluwa ni Shirley para manalo sa swimming competition. At gayon nga ang nangyari. Nagwagi si Cheryl at siya ang tinanghal na champion. Pagbalik sa Pilipinas, pinarangalan siya sa unibersidad na pinapasukan.

Nang magtapos siya ng kolehiyo, binigyan siya ng award bilang Best Female Athlete. Bagaman siya ang tumanggap ng medalya, dinala ni Cheryl ang medalya sa puntod ng kapatid at inialay iyon sa kanya. Alam kasi ni Cheryl na iyon ay para sa kakambal niya na siyang tumulong sa kanya para manalo sa labanan.

Nakapangingilabot ang ikinuwento ni Cheryl pero naniniwala ako na siya ay nagsasabi ng totoo.

Maraming pangyayari ang nagaganap sa paligid na mahirap ipaliwanag pero totoong nangyayari. Isa na rito ang pagpasok ng kaluluwa ni Shirley sa katauhan ng kapatid. Nakatutuwang isipin na maski nasa kabilang buhay na ang dalaga ay ginagabayan pa rin ang kanyang kakambal.





SOURCE

No comments: