Tuesday, January 18, 2011

FILIPINO 101: THE CORRECT USE OF 'NG' AND 'NANG'




Kahit ako, nahihirapan kung kailan ba dapat gagamitin ang mga katagang 'ng' at 'nang' sa pangungusap. Mas mahirap pa ata ito kaysa English. Magkagayunman, kailangang tandaan ang wastong paggamit ng mga ito.


GAMITIN ANG KATAGANG 'NANG' SA MGA SUMUSUNOD:
  1. Karaniwang ginagamit na pangatnig sa mga hugnayang pangungusap at ito ay panimula ng katulong na sugnay (nagsasaad ng paraan o sukat)
    • Mag-aral ka nang mabuti ng makapasa ka sa eksam.  
    • Lumakad man sila nang paluhod ay walang kabuluhan.
    • May anim nang talampakan ang kaniyang taas.
  2. Nagmula sa na at inangkupan ng ng at inilalagay sa pagitan ng pandiwa at ng panaguri nito (bilang pang-ugnay sa pandiwa at pang-abay) (Verb + NANG + Adverb/Adjective).
    • Nagdasal nang taimtim ang mga deboto. 
    • Nagsalita nang matatas ang bata.
  3. Ginagamit sa gitna ng dalawang salitang-ugat na inuulit, dalawang pawatas o neutral na inuulit at dalawang pandiwang inuulit
    • Suklay nang suklay  
    • Mag-ipon nang mag-ipon 
    • Nagdasal nang nagdasal 
  4. Katumbas ng "noong".
    • Nang ako'y bumalik, siya'y nakaalis na. 
    • Natuwa ang nanay nang malamang iskolar ang anak niya. 
  5. Kasingkahulugan ng upang at para.
    • Magpakasipag tayong lahat, nang lahat tayo’y umunlad.
    • Kailangang maghandang mabuti, nang makapasa. 
    • Sa mga Espanyol, dapat barilin si Rizal nang matakot ang mga Pilipno.
    • Dapat dalhin si Pedro sa ospital nang magamot.
  6. Kung pinagsamang na at ang / na at ng / na at na:
    • Labis nang paghihirap nito. > Labis na ang paghihirap nito.
    • Napariwara nang tuluyan. > Napariwara na ng tuluyan.
    • Tumigil ka nang manigarilyo. > Tumigil ka na na manigarilyo.


 GAMITIN ANG KATAGANG 'NG' SA MGA SUMUSUNOD:
  1. Ginagamit na pananda sa tuwirang layo ng pandiwang palipat.  
    • Nagtanim ng palay ang mga magsasaka. 
    • Madalas maglaro ng kompyuter ang mga bata.
  2. Ginagamit na pananda ng aktor o tagaganap ng pandiwa sa tinig balintiyak. 
    • Ibinaling ng bata ang kanyang atensyon sa kanyang laruan. 
    • Tinuruan ng guro.
  3. Ginagamit kapag nagsasaad ng pagmamay-ari ng isang bagay o katangian. 
    • Ang palad ng mga mayayaman ay karaniwang makikinis.
    • Takip ng bote.
    • Ina ng bata.
  4. Ginagamit bilang pantukoy.  
    • Naghahanda ako ng hapunan. 
  5. Kung sinusundan ng pangngalan.
    •  Saan mang dako ng daigdig, may mga hidwaan.
    •  Ang mga nanunugkulang ito ay produkto ng paaralan.
  6. Kung sinusundan ng pang-uri.
    • Nagtataglay ng mapanghalinang mata ang babaeng iyon.
    • Nang makatulog ng mahimbing, nangyari ang insidente.
  7. Kung sinusundan ng pamilang o pagkatapos ng mga pariralang pang-ukol na nagsasaad ng puwesto o lugar (loob, labas, kabila, gilid, dulo, palibot, atbp).  
    • Maraming paksa ang tatalakayin, kumuha ka ng dalawa.
    • Sa palibot ng bulwagan ay naghihintay ang mga panauhin.

No comments: