Ito ay naganap noong nasa elementarya ako. Pasado alas-quatro ng hapon, uwian mula sa iskwela. Bahagyang makulimlim ang kalangitan. Imbes na sa sentro ng kalsada ako dumaan pauwi, madalas kong bagtasin ang kabilang kalye papasok at pauwi ng iskwela. Kasama ko noon pauwi ang dalawa kong pinsan.
Naunang umuwi ang isa kong pinsan dahil nadadaanan ang kanilang bahay sa kalyeng iyon. Maya-maya pa ay bumagsak na ang mga luha ng langit. Unti-unti nang umaambon nang mga oras na iyon. Noong una, di pa kami nabagabag dahil mahina lang naman ang ambon hanggang sa unti-unting nadagdagan ang mga butil ng ulan. Nagsimula na kaming tumalilis ng takbo ng isa ko pang pinsan. Ilang takbo na lang, malapit na akong tumawid sa sentro ng kalsada mula sa kalyeng aming binagtas papunta naman sa kalye kung saan kami nakatira. Ang pangalawa ko namang pinsan ay papuntang silangan.
Wala kaming kamalay-malay ng pinsan ko na may motor palang mabilis na tumatakbo nang oras na iyon. Marahil dala na rin ng ulan kaya ang mamang drayber ay mabilis magpatakbo.
Takbo...takbo... takbo habang nakatalukbong ang aking bag sa ulo ko.
Noong nasa kalagitnaan na ako ng kalsada, sakto namang paparating ang motor. Walang kaabog-abog na tinatawid ko ang kalsada quesehodang may mga sasakyang parating o wala. Hindi rin ako nag-abala pang tumingin mula sa kaliwa't kanan ko dahil mas inisip ko ang ulan.
Kaya naman ang mga sumunod na pangyayari ay higit na nagpakaba sa akin. Kung ilalarawan ay tila nagkrus ako at ang motor sa gitna ng kalsadang iyon. May sakay pa ata yung drayber sa kanyang likod. Sa di inaasahang pangyayari; waring tumigil ang mundo ng mga sandaling iyon para sa akin. Wala akong naramdamang gulong sa aking katawan, walang hapdi o sakit, walang bakal na dumantay sa akin at lalo namang walang dugo akong naramdaman na tumalsik mula sa aking katawan. Bagkus, nakaramdam ako ng ginhawa. Tila baga isang balahibo na nakalutang sa hangin. Napakagaan ng aking pakiramdam. Tila may umakay o bumuhat sa akin. Pakiramdam ko, lumipad ako ng mga oras na iyon, lumutang mula sa semento ng kalsada para makatawid. At ang motor naman ay tila kidlat sa bilis ang takbo para hindi ako masagasaan.
Nakapabilis ng mga pangyayari. Namalayan ko na lang na nakatawid na pala ako at ang motor naman ay papalayo na sa aking paningin. Nang makatawid ako, napahinto ako. Sabi ko sa sarili ko, "Muntikan na ako doon." Lumingon ako sa likod ko at nakita kong may dalawang mama na nakaupo sa may tindahan at nagkukwentuhan. Di ko lang alam kung nasaksihan nila ang tagpong iyon.
Naglakad ako pauwi sa'min ng may takot. Kinakabahan.
No comments:
Post a Comment