Sunday, January 9, 2011

SORE THROAT (PART I)



Dalawang araw bago maghiwalay ang taong 2010. Nakakaramdam ako ng panunuyot ng aking lalamunan. bagamat hindi naman kumikirot. Pakiramdam ko, gusto ko laging uminom, lalo na ng malamig na tubig para maibsan ang  aking tila tigang na lalamunan. May kaunti akong sipon at ang panunuyot ng aking lalamunan ay nagbigay sa'kin ng pag-alala na baka mauwi iyon sa malalang sipon. 

Disyembre 31. Nakakaramdam na ako ng banayad na kirot sa aking lalamunan. Mas lalo pang tumindi ang aking pagdududa na sipon ang uwi nito sa mga susunod na mga araw. May pasok ako nang gabing iyon sa trabaho. Kinaumagahan, bagong taon. Ang hapdi ay tila lubusan ko ng nararamdaman. Pagkagaling sa opisina, dumiretso ako sa Balagtas, Bulakan para bumisita sa aking kapatid na kapapanganak pa lang ng nakaraang linggo. Kumain ako ng kanilang handa nang nakaraang gabi. Ang kirot sa aking lalamunan ay nararamdaman ko na habang lumulunok. Ngunit di ko masyadong pinansin, nagbabakasali ako na mawawala rin yun.

Pagkatapos ng pananghalian, habang nanunuod ako sa telebisyon, nakatulog ako sa sofa. Alas-quatro ng hapon nang magising ako. Hala, tila umiigting ang kirot ng aking lalamunan. 

Nang hapon ding yung, bumalik ako sa Maynila. Kinakabihan, mabilis akong nakatulog dahil hindi sapat ang aking tulog. Kinabukasan, tumitindi na ang kirot na aking nararamdaman. Ngunit balewala pa rin ako dahil sa akala ko'y mawawala rin iyon. A-tres ng Enero 2011, umigting na ang kirot na aking nadarama sa tuwing lulunok ng pagkain o kahit ng laway. Magkagayunman, wala pa rin akong iniinom na gamot o anumang paunang lunas. Nang mga sumunod na araw, nabahala na ako kaya naman uminom na ako ng Erythromycin.  Dati-rati nama'y sa tuwing magkakaroon ako ng sore throat, itong antibiotic lang, nawawala kaagad yung sakit. Unang inom ng gamot, tila umepekto kaagad iyon sa aking lalamunan. Kahit papaano'y naibsan ang sakit na ikinatuwa ko naman.
 
Sumunod na mga araw, napansin kong tila hindi na yata umeepekto ang gamot. Hindi na maganda ang epekto sa'kin dahil hindi na ako nakakatulog ng maayos, pang-gabi pa naman ang aking pasok.

Ika-anim na ng linggo. Tila yata walang pagbabago sa aking nararamdaman. Paminsan-minsan ay sumasakit na ang aking ulo at nagkakasinat na rin ako. Lumunok, humikab at kahit yumuko, may kirot akong nararamdaman. Nabahala na ako. Dari-rati'y umaabot lang ito sa akin ng dalawa o tatlong araw at kaagad nang nawawala. Naaabala na nang sobra ang aking pagtulog. Kaya naman liban sa antibayotiko, sinabayan ko na rin ng Astring-O-sol Specialist. Muli, nakaramdam ako ng kaunting ginhawa. Ngunit panandalian lang pala. May napansin din akong tila puti sa aking lalamunan (white pus kung ito’y tawagin). Nang gabing iyon, may pasok pa ako sa trabaho. Liban sa kirot na aking nararamdaman, may kakaiba rin akong napansin. Tila nasusuka na rin ako dahil sa kung anumang bagay sa aking lalamunan. Buong oras ko sa trabaho ay minu-minuto akong naduduwal. Napansin ko na tila may puting malapot sa bawat pagdura ko. Naisip ko ang white pus. May pandidiri akong naramdaman. Hindi ko alam kung may epekto ba iyon sa aking katawan sa tuwing makakalunok ako ng ganuon.  

Kaya naman kinabukasan, sinadya ko ng magpatingin sa doktor. Wala pa akong tulog ng araw na iyon. Ayon kasi sa nabasa ko sa internet, kailangan nang magpatingin sa doktor kapag nakakaramdam na ng lagnat, pagsusuka at sakit ng ulo na lahat ay aking naramdaman. Ikinatakot ko pa ang rheumatic fever.

Pinalitan ni Dok ang Erythromycin na isang beses ko lang iniinom kada isang araw dahil sa pagkakaalam ko, nakakabingi raw iyon kapag nasobrahan. Kaya naman pala di nawawala ang sakit dahil isang beses ko lang daw iniinom, anang naman ni Dok. 

Nagpabili ako ng Clarithromycin at Bactidol gargle ayon na rin sa reseta ni Dok. Nagulat ako dahil mahal pala yung isang tableta ng gamot. Yung branded, noventa y otso kada tableta samantalang ang generic naman ay cincuenta y otso kada tableta. Sumatutal, umabot ng quinientos y otso ang sampung tableta.

Sabi ni Dok, baka nga raw bacteria ang dahilan kung bakit umabot ng isang lingo ang aking sore throat na kadalasan naman kung ako’y magkakaroon ay sandali lamang. Hindi ko rin mawari kung paano ako nagkaroon ng sore throat. Dalawang bagay lang naman ang naisip ko, dahil kaya duon sa dalawang chocolates na kinain ko mga ika-dalawamput siyam ng Disyembre o dahil kaya sa alikabok na nasagap ko nang maglinis ako ng tinitirahan namin bago ang bagong taon (naligo naman kaagad ako noon pagkatapos).   







No comments: