Como pang-gabi ang pasok ko, kailangan kong magpahinga at matulog sa umaga. Ngunit kinaumagahan nang nakaraang gabing iyon at nang mga sumunod na araw, nahirapan akong makatulog. Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, bumabalik sa aking isipan ang mga tagpo nang gabing iyon. Kahit sa panaginip ay nananaghoy sa aking ulirat ang aking sariling karanasan. Tila gusto kong magtatakbo, umakyat sa pinakamataas na bundok at sumigaw nang buong lakas. Para bagang may isang bombang nakatanim sa aking katawan at nais sumabog sa kawalan.
Tumagal nang ilang linggo ang aking panglulupaypay. Gusto kong maghiganti. Sumasakit ang ulo ko sa kakaisip. Wala na akong magagawa dahil naganap na. Isa lang ang naisip kong solusyon para sa aking paghihirap. Kailangan kong magkaroon uli ng ganuong bagay o higit pa para maibsan ang aking pagkalugami.
Sa tuwinang ako'y sasakay sa pampublikong sasakyan lalo na sa fx, takot ang unang naiisip ko. Sa bawat hinto nito, sa bawat sandaling may pasaherong sumasakay at bumababa, at sa bawat sandaling dudukot ang mga pasahero ng kanilang pambayad, nangangamba ako't di mapakali. Ultimong kislot, nababagabag ako. Bago pa man ako sumakay at kapag nakasakay na, sinisilat ko ang mga pasahero at nakikiramdam. Nangagamba sa anumang masamang mangyayari.
Enero veinte, dos mil dies. May pasok ako nang gabing iyon sa trabaho. Tulad ng aking nakagawian, nag-abang ako ng masasakyang fx sa lansangan ng Altura (Sta. Mesa). Wala akong ibang dalang gamit. Liban sa sarili ko, dala-dala ko rin ang noo'y kakabili ko lang na telepono na Nokia E71. Nang mabili ko ito ay nagkakahalaga pang quince mil. Nakakabit din ang headset nito habang ako ay nakikinig ng musika. Ilang sandali pa ay may parating ng fx kaya naman kagyat kong pinara ang nasabing sasakyan. Nang mga oras na iyon ay may ka-txt ako, ang noo'y kasama ko sa trabaho.
Sa labas ng fx ay nasilayan kong wala nang bakante sa unahang pwesto. Maging sa gitna nito ay tatlo na ang nakapwesto kaya naman, imbes na sumiksik pa sa gitna, minabuti kong umupo na lang sa hulihang bahagi ng naturang sasakyan tutal wala namang nakaupo. Umandar na ang sasakyan. Di pa naman nakakalayo ay may sumakay na mama. Sa itsura niya ay para siyang padre de familia. Doon siya umupo sa hulihan ding bahagi, katapat ko. Muling umandar ang fx. Tumigil ang sasakyan sa may tapat ng isang supermarket at fastfood chain dahil na rin sa sangdaling trapik dulot ng mga sasakyang nasa unahan ng kalsada.
Sa pagkakahimpil na iyon ng fx, may isang lalaking sumakay sa likurang bahagi kung saan ako nakapwesto. Nakasuot ng kamiseta ang lalaki at korto na maong sa ibaba. "Parang bibihira akong may makasakay sa fx na hindi pormado ang suot". May kung anong bagay akong naisip nang mga sandaling iyon sa pagsakay ng mama. Waring isang intuwisyon. May kaba akong naramdaman. Sa tabi ko pa man din siya umupo. Nang mga sandaling iyon ay patuloy pa rin ako sa paggamit ng telepeno dahil kausap ko sa txt ang aking kaopisina. Lalong lumakas ang kutob ko. "Ano kaya kung bumababa na lang ako?" Ngunit hindi ko iyon itinuloy. "Kailangang makapasok ako nang maaga sa opisina." Muling umandar ang sasakyan.
Kaunting distancia pa lang ang agwat nang muling huminto ang fx dulot na rin manaka-nakang trapik. Tumapat ang sasakyan sa isang arcade. Ilang hakbang lang mula sa nasabing lugar ay ang Polytechnic University of the Philippines. Kaya naman hindi maikakala na may mga taong naglalakad paroo't parito sa kalsadang iyon.
Patuloy ako sa paggamit ng telepeno. Sa gilid ng kanan kong mata ay nasilayan ko ang lalaking katabi ko na may dinudukot. "Mali ang naisip ko kanina. Magbabayad siya ng pamasahe niya." Gusto kong kalmahin ang sarili ko.
Ngunit lingid sa aking kaalaman, ang akala kong perang iaabot niya bilang pamasahe ay balisong pala at walang kapangahasang itinutok sa akin. Naging mabilis ang kanyang mga kamay. Habang nakatutok sa akin ang kanyang sandata, walang patumanggang inagaw ng isa niyang kamay ang aking telepeno. Ramdam ko ang kanyang lakas nang agawin niya ang telepeno at bunutin ang headset na nakapasak sa aking tenga. Napatulala ako at walang nagawa. Tila isa akong estatwa ng ilang segundo. Nakatitig sa akin ang lalaki. Nanlilisik ang mga mata kaya naman gayun na lang ang aking takot.
"Huwag kang susunod kundi papatayin kita!" Mga katagang nausal ng lalaki sa akin habang nakatutok sa akin ang kanyang balisong. Maya-maya pa'y nagawa na niyang mabuksan ang pinto ng likurang bahagi ng sasakyan sabay baba.
Tila walang nangyari. Ang mamang katapat ko sa upuan ay walang nagawa. Para siyang tuod. Nanunuod ng eksena sa pelikula. Ang tatlong sakay sa gitna ay parang walang alam. Ang drayber ng fx at lalo na ang dalawang sakay sa unahan ay tila mga bulag at bingi. Pakiramdam ko, pinagkaisahan nila ako. "Ako lang ba ang sakay ng fx nang mga oras na iyon?"
Makalipas ang ilang segundo, bumaba ako mula sa fx. Hindi pa lubusang nakakalayo ang mapangahas na nilalang at naglalakad sa gitna ng kalsada na tila isang maamong tupa. Sumigaw ako pagkababa ng fx. Narinig ng nilalang na iyon ang aking sigaw kaya naman napalingon siya sa akin. Nakita ko sa kanyang mukha na handa niya akong sugurin pabalik. Takot ang siyang bumalot sa aking katawan nang mga sandaling iyon. Kaya naman, kumaripas ako nang takbo papuntang arcade. "Hindi niya dapat ako maabutan dahil kung saka-sakali, mabuburdahan ng balisong ang aking katawan. Kailang kong makahingi ng tulong."
Sakto naman at sa pagtakbo ko sa arcade, may nasilayan akong isang guwardiya. Kumaripas ako sa kinaroroonan ng guwardiya. Marahil natakot ang nilalang na iyon dahil nakita niyang may kasama na akong guwardiya kaya naman kumaripas ng takbo patungo sa ibang direksyon hanggang sa hindi ko na rin siya nasilayan. Sinubukan kong ituro sa guwardiya ngunit hindi ko na makita ang nilalang sa paligid.
May ilang katanungan ang mamang guwardiya sa akin at maayos ko pa namang nasagot. Dagdag pa nito, "Huwag mo nang subukang ipa-blotter pa. Hindi mo alam baka nasa paligid lang yun at abangan ka pa. Tutal hindi mo na rin yun makukuha pa. Pumasok ka na lang."
Ilang minuto pa ang lumipas bago ko tuluyang nalaman sa sarili ko na biktima ako nang gabing iyon. Habang nakatayo ako at nag-iisiip sa kawalan, tila binuhusan ako ng napakalamig na tubig sa buong katawan. Nakaramdam ako ng panlalamig mula ulo hanggang paa. Nang oras ding iyon, tinanggap ko sa sarili na hindi ko na maibabalik ang nawala sa akin. Naglakad ako palabas ng arcade at nag-abang ng masasakyang fx papuntang San Miguel. Hindi ko na alintana kung sino ang mga nilalang sa sasakyang iyon. Wala na rin silang makukuha sa akin kung sakali mang may mangahas muli. Nagsimulang pumatak ang butil ng aking luha.
No comments:
Post a Comment