Photo courtesy: http://fishbiscuitlandblog.blogspot.com
Ika-limang araw ng bagong taon. Ugali ko nang
pumasok ng maaga sa opisina. Marahil ng araw na iyon, mga ala cinco y media o
bago pa man ay nasa opisina na ako.
Pagdating ko sa opisina, may mga CS nang nauna sa’kin. Mga apat sila sa
bilang ko; dalawang babae at dalawang lalaki. Ilang ilaw palang ang nakabukas
sa parte kung nasaan nakapwesto kaming mga CS. Ngunit sa kabilang banda kung nasaan naman
ang ibang department, bukas na ang
mga ilaw dahil madaling araw ang kanilang pasok.
Tahimik pa ang parteng iyon ng CS kapag mga ganuong oras. Dumiretso ako
sa aking station. Isang hilera pa ng
mga station ay ang station naman ng Collections. Mag-isang nakaupo sa hilerang iyon ang isa sa mga leader nila. Nakapatay din ang mga ilaw
sa parteng iyon na kung saan ako nakaupo. Ngunit hindi naman masasabing madilim
dahil nga may mga ilan na ring nakabukas na ilaw at naliliwanagan ng mga
nakabukas na ilaw mula sa Collections.
Ilang hakbang naman mula sa mga hilerang iyon ng station kung saan ako nakaupo ay ang pantry area. Dahil na rin sa katahimikan pa ng mga sandaling iyon,
hindi maikakaila na maririnig mo ang mga simpleng kaluskos o tunog na maaaring
likhain nino man.
Matapos kong ilapag ang aking almusal at ilang
gamit sa aking station, pumunta naman
ako sa aking locker para isilid ang
aking bag.
Maya-maya pa’y muli akong pumunta sa aking station para kunin ang aking pagkain.
Nakita ko namang tumayo at paalis sa kanyang station ang nag-iisang lider ng Collections
na kanina’y nakaupo.
Ilang hakbang lang at lumiko ako papasok sa pantry area. Rinig ko ang tunog na likha
ng nakabukas na microwave tanda na
ito’y ginagamit para initin ang kung ano man. Walang ibang tao sa may pantry area ng mga sandaling iyon.
Inakala kong baka umalis lang sandali ang sino mang nag-iinit sa microwave at muling babalik.
Medyo nainip ako sa paghihintay. Sa tingin ko,
mahigit sa dalawa o tatlong minuto ang itinagal ng pag-ikot ng microwave hanggang sa kusa itong
tumigil. Nakiramdam ako sa aking paligid sa kung sino mang darating sa pantry para buksan ang microwave at kunin ang pagkain mula
roon.
Ngunit walang bakas ng kung ano man o sino man
para kuhanin ang pagkain mula sa loob ng microwave.
Kaya naman, mapangahas kong binuksan ang microwave
upang ilabas ang kung ano mang nasa loob nito at para mainit ko ang aking
pagkain.
Lubha akong nagtaka at namangha ng malamang
walang laman ang microwave.
Sumatutal, tumunganga ako ng ilang minuto sa pantry ng mag-isa sa paghihintay sa microwave ngunit wala naman pala itong laman na iniinit.
Imbes na takot ang pairalin, inunawa ko na lang
na may naglalaro na naman sa akin ng sandaling iyon. Imposibleng kanina pa nakabukas
ang microwave dahil sa katahimikan ng
lugar ng oras na iyon, kanina ko pa sana
naririnig ang pag-ikot nito ng ilapag ko ang aking pagkain sa aking station. Ikalawa, walang ibang taong pumunta
sa pantry liban sa akin. At ikatlo, wala
naman sa mga empleyado ang maglalaro lang ng microwave,
magbubukas at paaandarin lang.
Ilang araw lang bago nito ay nakakita ako ng doppelganger.