Showing posts with label Mga Karanasan sa Jeep. Show all posts
Showing posts with label Mga Karanasan sa Jeep. Show all posts

Sunday, March 27, 2011

MGA KARANASAN SA JEEP: ANG BASAHAN


Isang hapon, pauwi naman ako mula sa trabaho. Mula Shaw Boulevard, sumakay ako ng jeep papuntang Altura Sta. Mesa (biyaheng Pasig-Quiapo).

Sa kahabaan ng V. Mapa, may sumakay na batang lalaki na nagpupunas ng sapatos o sandalyas ng mga pasahero.

Kung ang ilan sa mga namamalimos ay gumagamit ng sobre, may ilang bata naman na para makahingi ng kahit barya, ay maglilinis ng window shield ng mga sasakyan. Nakikipagpatintero sa gitna ng kalsada kapalit ng baryang kanilang makukuha.

Nasa entrada ako ng jeep at ang batang ito ay kaagad na pinunasan ng kanyang bahasan ang aking sapatos. Isang napakabilis na dantay ng bahasan sa sapatos at sa kabilang pasahero naman siya lumipat.

Hindi mo nga malaman kung linis ba talaga ang ginagawa ng batang ito at ng ipa pa niyang kaparehas o naghahatid ng dumi sa sapatos.

Datapuwa't, kahabag-habag nga naman ang ganoong eksena. Isang batang walang muang na dapat ay nasa silid-aralan para mag-aral; ang damit ay hindi tinahi sa karangyaan; tila gutom at uhaw dahil sa pagal; at waring mapagkumbabang nagpupunas ng sandalyas ng kanyang panginoon.

Nang dumantay ang kanyang basahan, kaagad kong inilayo ang aking sapatos at nagpatuloy siya sa ibang pasahero.

Tila sa kamalasan, kahit piso'y walang nagbigay sa bata. Nagdesisyon siyang bumaba na lang ng jeep.

Ilang hakbang na lang at tatalon na siya sa jeep nang bigla ba namang apakan nito ang aking sapatos. Ibinunton ng bata sa sapatos ko ang kanyang kamalasan. Kung tinadyakan ko kaya siya pababa ng jeep?

MGA KARANASAN SA JEEP: ANG TINEDYER



Madaling araw naman at papasok ako sa trabaho. Ang daan ko ay mula Altura Sta. Mesa papuntang San Miguel Ave sa Ortigas.

Bago umalis ng bahay, minabuti kong iwan na lang ang aking wallet. Wala na rin namang masyadong laman iyon. Tutal kritikal na ang mga araw na iyon.  Ibig sabihin, paubos na ang pera at naghihintay na lang uli ng sahod. 

Habang naglalakad ako sa taas ng tulay ng Altura, nasulyapan ko ang ilang mga kabataang tila may inaantay sa kalsada. Bumaba ako ng tulay at dumiretso sa may sakayan. Ilang minuto rin akong naghintay bago ako sumasakay sa jeep.

Palinga-linga ang mga nasabing kabataan at palakad-lakad sa gilid ng kalsada. Nang pasakay na ako ng jeep, nakasunod pala ang isa sa mga kabataang iyon sa aking likuran. Hanggang sa makaupo ako sa loob ng jeep, mga ilang upuan mula sa entrada ng jeep.

Ilang segundo pa lang nang makaupo ako ng biglang sumigaw ang isang babaeng nurse. Nakaupo siya sa kabilang hilera ng mga upuan, marahil pangalawa mula sa entrada ng jeep.

Ang tinedyer na nakasunod sa'kin kanina ay bahagyang umakyat sa jeep at lakas-loob na inaagaw ang bag ng nasabing babae. Buti na lang at mahigpit din ang pagkakahawak ng babae sa kanyang gamit at nabigo ang tinedyer sa kanyang balakin. At buti na rin lang, hindi ko dinala ang aking wallet na kalimitang nakalagay sa aking likuran dahil maaaring nang paayat pa lang ako ng jeep, siguradong hahablutin ng tinedyer na iyon ang aking wallet. 

Sa sarili ko'y nagpupuyos ako sa galit. Marahil kung ako ang katabi ng babae o nasa malapit sa entrada, ang sarap sigurong tadyakan o sipa-sipain ng tinedyer na iyon palabas ng jeep. Sobrang lakas ng loob na kung iisipin ay ilang metro lang ay istasyon nang pulis.

MGA KARANASAN SA JEEP: MAGKAPATID


Sa isang pang pagkakataon, gabi at galing ata ako noon sa SM North. Sumakay ako sa isang jeep mula North Edsa papuntang Espanya. Ilan sa mga pasahero ay isang lolo na nakasuot ng pormal (white long sleeve), isang lalaki na mas matanda sa'kin (siguro sa pagitan ng 26 hanggang 29 at may magandang pangangatawan), isang babae na naka-skirt at isang lalaki na kuya pala ng una.

Habang binabagtas ng jeep ang West Ave papuntang Quezon Ave, nagkaroon ng tensyon sa loob ng jeep.

Hinipuan daw ng lolo ang babaeng naka-skirt at agad na nagsumbong sa kanyang kuya. Sumaklolo naman si kuya para sitahin ang lolo.

"Ikaw na matanda ka, umayos ka! Parang wala kang pinagkatandaan!" Pagalit na sambit ng galit na galit na kuya.

Mahinahon naman ang lolo. Matanda na rin siya (siguro edad 80). Sa mahinahon at mahina niyang boses, sinubukan niyang magpaliwanag ngunit nilamon lang siya ng umuusok sa galit ng kuya. Kaya naman, wala na ring nagawa ang matanda at tinitigan na lang ang magkapatid.

Ang nagpalubha sa tensyon ay nang may binunot sa kanyang tagiliran ang kuya ng babae at sabay tutok sa matanda. Pinagbantaan nito ang huli. Hindi naman natinag ang lolo at nanatiling walang kalaban-laban sa magkapatid. Tahimik at walang bahid ng anumang silakbo.

Kinabahan na rin ako nang sandaling iyon. Natatakot akong madamay sa away na iyon at kung mamalasin pa'y, baka matamaan pa ako ng armas nang nagngangalit na kuya. Sa aking tabi, ang lalaking mas matanda sa'kin at may magandang pangangatawan ay dali-daling pinara ang jeep at tumalilis sa pagbaba ng sasakyan. Mas natakot pa sa lolo at sa'kin ang binatilyo (kung wala man siyang asawa pa) na kung tutuusin ay mas malakas pa sa'min ng lolo.

Gustuhin ko man sanang bumaba na rin ng naturang jeep ngunit hindi ako makakilos dahil na rin sa takot. Nanatili ako sa loob ng jeep hanggang sa makababa ako. Buti na lang at walang ibang nangyari sa biyaheng iyon.

Saturday, March 19, 2011

MGA KARANASAN SA JEEP: ANG BAG



Bihira na akong sumakay ng jeep mula nang malaslas ang isang bag ko nang minsang sumakay ako dito. Simula noon, hangga't maaari, hinding-hindi ako sasakay ng jeep; que se joda ng maghintay ng fx. 

Weekend ng umaga galing ako sa isang house party (graduation namin mula sa training) nang sumakay ako ng jeep mula sa North Edsa papuntang Espanya. 

Sumatutal, sa pagkakaalala ko, mga anim hanggang pito lang ang sakay ng naturang jeep. Sa kabilang upuan, nakaupo ang mag-ina; isang estudyante sa kolehiyo kasama ang kanyang ina. 

Sa hilera nila, ay isa o dalawang mama ang nakaupo. Ako naman ay sa kabilang upuan at napapagitnaan ng dalawa o tatlong lalaki na kasamahan pala ng mama sa kabilang upuan. Nasa hustong gulang na ang mga naturang lalaki na ang mga hitsura ay tila mga de pamilya na. May dala silang mga back pack at nakapatong sa kanilang mga hita. 

Dahil wala ako sa tamang wisyo dulot na rin ng walang sapat na tulog, wala akong masyadong naging pakialam sa mga katabi kong mama. Habang binabagtas ng jeep ang ruta papuntang Espanya, napansin kong tila masyado naman akong sinisiksik ng mga naturang mama na kung susumahin, napakalawak pa ng espasyo ng upuan. Dala ko noon ang isang body bag na kakabili ko lang sa Mossimo. Medyo may kamahalan pa man din ang halaga ng naturang bag. Hindi ko naman inaasahan ang mga ganoong pangyayari lalo na sa mga ganoong oras (malapit ng magtanghali) kaya naman yung bag ko ay nakalagay lang sa aking tagiliran. Kinakabahan na rin ako ng mga sandaling iyon kaya naman inilatag ko ang aking bag sa aking hita. 

Ngunit hindi pa rin ako nakalusot. Naisip ko na tila may hindi kagandahang ginawa ang mga gagong iyon sa'kin. Masyadong praktisado at magaan ang kamay ng mamang nasa kaliwa ko kayat hindi ko namamalayan na hinihiwa na niya pala ang aking bag at sinisimulan ng kapain ang mga laman nito. 

Tila nakaramdam o nakita ng babaeng estudyante ang ginagawa sa'kin ng mama kaya naman ura-urada, kahit malayo pa ang dapat nilang babaan, pinara niya ang jeep at niyaya ang kanyang ina na bumaba. Nakita ko yung mamang kahilera nila sa upuan at tila ngumisi doon sa mamang katabi ko. Napornada ang balak nila doon sa mag-ina kung meron man. Ngunit sa'kin, nasimulan na nila ang kanilang plano. Hindi ko malaman ang aking gagawin. May takot na akong naramdam dahil kung iisipin, ako na lang ang pasaherong naiwang sakay ng jeep at katabi ko pa ang ilan sa kanila at magagawa nila ang kahit anong naisin nila. 

Ilang sandali pa, bago pa man dumating sa may Welcome Rotonda, naglakas-loob na akong bumaba ng jeep. Pagkababa, nangangatog ako sa takot. Hindi ko magawang maglakad nang maayos. Nang makalayo na ang jeep, tinignan ko ang aking bag. Nanlumo ako sa aking nakita. Ilang laslas ang tinamo ng aking bag. Agad kong tinignan ang mga laman ng aking bag. Buti na lang at hindi nakuha ang wallet at cellphone ko. 

Mga gagong iyon! Ang lalakas ng loob! Sa totoo lang, yung binabaan ko noon ay malapit na rin sa istasyon ng pulis. Gusto ko sanang sumigaw o magsumbong sa pulis ngunit hindi ko na rin ginawa.