Lumaki ako sa probinsya na kung saan sagana pa rin sa sariwang hangin ang kapaligiran; makikita ang tila nagsasayawang mga halaman at puno sa pagdaan ng masarap ng hangin sa kabila ng matinding init ng panahon sa kalagitnaan ng araw at ang malamig na gabi na kung minsa'y nanunuot ang lamig sa katawan.
Ilan lang ito sa mga bagay-bagay na mahirap ng maranasan sa siyudad. May mga bagay at karanasan na tanging sa probinsya mo lang madarama at makikita. Mga maliliit na bagay na kinagisnan at kinalakhan, masarap sariwain at muling maranasan.
Simple lang ang buhay sa probinsya. Payak ang aming pamumuhay at nananatili sa ganitong kalagayan. Kung gaano kagulo, kaingay at kabilis ng mga pangyayari sa malaking siyudad, ay siya namang kapayapaan at katahimikan sa nayon. Ang mabagal na pag-usad ng oras ay tila pagkakataon upang damhin ang bawat sandali ng buhay.
Ang payak na tarangkahan na ito ay sumasalamin sa payak na pamumuhay namin sa nayon. Hindi bato ang nakapaligid sa aming bakuran, walang mga bakal na humahaligi o kaya'y humaharang at wala ring buton para pindutan. Tanging mga halaman at punongkahoy ang siyang pundasyon nito kasama ang mga kawayan na tinalian at pinagtiyagaang ipiitin.
Mahilig sa halaman ang aming ina. Hilig niya ang magtanim. Musmos pa lang ako, ito na ang aking nakikitang libangan niya. Kaya naman mayaman sa kung anu-anong halaman at punongkahoy ang aming kapaligiran. Mula sa mga namumulaklak na mga halaman, sa mga halamang-gamot, mangilan-ngilang punong namumunga at mga halamang-ugat ay may makikita ka sa aming bakuran.
Halos lahat ng itanim niya ay nabubuhay. Ika nga'y may berdeng palad na siya naman atang napunta sa akin. Noong bata pa ako, minsan inuutusan niya akong magtanim dahil nabubuhay daw kapag ako ang nagtanim; lalo na kung ang itatanim ay yaong bihirang makita sa mga bakuran.
Nakagawian niya na rin na sa tuwing umaga, magdidilig siya ng mga halaman mula sa harapan ng aming bakuran, sa gilid at sa likod-bahay. Minsa'y nauutusan akong gumawa nito na siya namang ipinadadabog ko.
May mga halaman at puno sa aming bakuran na ilang taon na ring nabubuhay. Ang iba'y nangamatay na, may mga binunot na at inalis at may mga ipinalit.
Ayaw ng nanay ng mga matataas at ng mga naglalakihang puno sa aming bakuran. Natatakot kasi siya na baka raw mabuwal at madaganan ang aming bahay kung sumapit ang isang malakas na bagyo.
Noong bata pa ako, may punong mangga sa aming harapan, sa gilid din mismo ng aming bahay. Ito ata ang tipikal na pagsasalarawan ng isang bahay sa probinsya - bahay at katabi nito ay isang malaki o mataas na punongkahoy tulad ng mangga. Matanda pa sa akin ang punong mangga na iyon. Dumating sa panahon na lumaki ito at tumaas ng higit pa sa aming bahay, dumami at naglakihan ang mga sangga. Naging hitik ito sa bunga. Tuwing bakasyon, halos araw-araw kaming kumain ng mga bunga nito. Masarap ang mga bunga nito, magandang tignan ang kumpul-kumpol na bunga mula sa ibaba. Maging mga ibon ay tuwang-tuwa sa mga bunga nito lalo yaong mga hinog na at hilig nilang tukain. Kaya naman, tuwing umaga may mga nagkalat sa aming bakuran ng mga hinog na mangga. Dumaan ang ilang mga malalakas na bagyo. Sa awa ng Diyos, hindi naman ito bumuwal sa aming bahay. Ngunit nananatili ang takot sa aming ina. Ayaw man ng aming ama, dumating ang panahon na unti-unti, pinuputulan ng mga sangga ang punong mangga. Hanggang sa tuluyan itong putulin, namatay at binuwal.
Cacao. Nagsimula sa isang punongkahoy. Naging dalawa, tatlo. Ngayon may mga ilang puno ng cacao sa aming bakuran. Ang kauna-unahang punong itinanim ng aming nanay ay nabuwal nang dumaan ang isang malakas na bagyo. Nabuhay pa naman ito habang pahilig. Kapag nahinog na ang mga bunga nito, maaaring sipsipin ang matatamis na buto nito. Pagkatapos maalis sa tila bao ang mga buto, ibibilad ang mga ito ng ilang araw hanggang sa matuyo. Pagkatapos, lulutuin ang mga buto na parang nagpiprito nang tuyot. Kapag luto na, aalisan naman ng balat ang mga buto. Gigilingin ang mga buto ng pino kasama ang asukal hanggang sa maging tsokolate. Tapos, gagawing parang mga bolang maliliit ang nasabing giniling na tsokolate, patitigasin at handa na para kainin o kaya'y gawing tsokolateng iinumin. Masarap itong inumin kapag hinaluan ng gata ng niyog upang maging malapot. Ito ang kadalasang ginagawa ng inay tuwing may mga handaan sa bahay. Gumagawa rin siya nito upang gawing pasalubong.
Oliva. Maliit pa lang ako, may oliva na sa aming bakuran. Sa probinsiya, ito ang ginagawang palaspas ng mga Katoliko tuwing Domingo de Ramos.
Asparagus. Pamilyar ang mga dahon nito tuwing Marso. Ito ang hinahanap-hanap ng mga estudyanteng magsisipagtapos sa eskwela. Kasama ng orkidyas o rosas, ito ang idinidikit sa kaliwang dibdib ng toga tuwing pagtatapos sa eskwela. Malimit noong nauubusan ng mga dahon ang halaman namin sa paghingi ng mga estudyante.
Oregano. Magaling ang mga dahon nito sa ubo. Ang dahon din ay mainam ding ipaamoy sa mga nahihilo. Noong bata pa ako, malimit akong painumin ng nanay ng katas mula sa mga dahon nito. Matapos kumulo ng sinaing, maaaring ilagay ang malinis na dahon nito sa ibabaw ng kanin upang bahagyang maluto. Pagkatapos, kakatasan ang dahon at iinumin. Hindi nga lang maganda ang lasa nito.
Sampaguita. Mula pagkabata, hindi ko mawari na nagkaroon kami ng halaman ng sampaguita. Nasa elementarya pa ata ako nang magtanim ako nito sa aming bakuran dahil na rin sa sakit ko sa mata. Hindi ko makontrol ang pagkurap, tila isang bombilya na hindi matigil sa pagpatay-sindi. Ang aming kapitbahay ay sagana sa halamang ito. Ang kanilang harapan ay namumukadkad ng puti at mahalimuyak na mga bulaklak nito. Doon ako madalas kumuha ng mga bulaklak ng sampaguita upang ipanggamot. Ang nilinisang mga bulaklak ay ibababad sa malinis na tubig mula gabi hanggang kinabukasan. At sa umaga, ang tubig na pinagbabaran ng mga sampaguita ay mainam na ipanghilamos sa mata kapalit ng tubig. Sa kalaunan, gumaling ang sakit ko dahil dito.
Orkidyas. Mga ordinaryong uri ng orkidyas na karaniwang matatagpuan sa mga bakuran. Mabango naman ang mga bulaklak ng orkidyas sa gilid (yaong walang bulaklak at ang dahon ay malalapad na may mga linya). Kulay lila rin ang bulaklak nito at matagal malanta.
Gumamela. Kung laki ka sa probinsiya, marahil kinahiligan mo ring maglaro ng bulaklak ng gumamela bilang palobo. Malapot kasi ito kapag dinikdik at sinamahan mo ng kaunting tubig. Isa pa sa malimit kong gawin sa bulaklak nito ay ang paghiwa o paghihiwalay ng mga parte ng bulaklak. Nakakatuwa yaong sa pinakagitna nito na wari'y hiyas.
Hindi ko alam ang pangalan ng halamang ito. Tila kamag-anak ito ng dama de noche. Ang maliliit na bulaklak nito na tila mga bituin ay humahalimuyak ang bango pagkumagat na ang dilim. Noon, liban sa mga fortune plants, marami rin kami nito sa gilid ng aming bakuran na nagsisilbing bakod na rin. Kaya naman, pagsapit ng gabi, humahalimuyak sa aming bakuran. Madaling malanta ang mga bulaklak nito. Pagkatapos bumuga nito ng halimuyak sa gabi, kinabukasan, unti-unti ng malalanta ang mga bulaklak nito.
Ang tawag namin dito ay Lubi-lubi. Karaniwan itong makikita sa mga gilid ng bakuran. Ang animoy walang pakinabang na halamang ito ay masarap gawing ulam. Ang tanging kinukuha sa halamang ito ay yaong mga batang dahon. Gamit ang mga kamay, hatiin ang mga dahon sa katamtamang laki. Gagataan ito at kahit walang sahog o kaya'y tinapa lang, mabubusog ka na sa sarap nito. Marami nitong nakatanim sa kabundukan.
Malunggay at Bayabas. Tipikal na mga punongkahoy na matatagpuan sa bawat bakuran sa probinsya. Nakakatuwang isipin na noong ako'y bata pa, mahilig akong umakyat sa puno ng bayabas sa aming likuran. Pagkagaling sa eskwela, aakyat ako sa puno ng bayabas upang manguha ng mga bunga nito. Sa kinahapunang klase, aalukin ko ang mga kaklase ko ng mga bunga kapalit ng ilang sentimo. Minsan naman, nagpapalipas ako ng oras sa taas ng puno, nagagawa ko pang makahiga sa mga sangga nito habang dumadampi ang sariwang hangin.
Hindi ako pamilyar sa pangalan ng halamang ito. Noong kabataan ko, nakikita kong kinakain ng mga ibon ang mga bunga nito. Kulay puti at maliliit ang mga bunga nito. Malambot ito kaya naman madaling madurog.
Talampunay ang lokal na tawag namin dito sa probinsiya. Namumulaklak ito na kulay lila at namumunga rin. Ngunit, babala lang dahil masama sa katawan ang bunga nito. Iisa lang ang kumintal na gamit nito sa aking isipan. Mula't sapul nang ako'y bata pa, malimit itong gamitin ng aming ina tuwing may naeengkanto sa'min o kaya nama'y para malaman kung may masamang engkantong aali-aligid sa'yo. Sa gabi, papahiran ng langis ang mga dahon nito. Pagkatapos, tila iihawin ang nilangisang dahon sa sinindihang piraso ng papel. Tapos, gamit ang tela, malimit itong itali sa noo o kaya naman sa may tiyan.
Sa puno ng lucban nakahanap ng masisilungan ang ina ng mga inahing ibon. Hindi nito alintana na lubhang mapanganib dahil mababa lang ang punong ito sa harap ng aming bahay. Kaya naman, malimit sitahin ng nanay ang mga batang gigil sa mga mumunting ibon na ito.
Five fingers ang tawag sa halamang nasa likod ng gumamela. Malimit kasi na ang mga tangkay ng halamang ito ay may tig-lilimang dahon. Noong bata ako, malimit akong nakakakita ng mga uod na naninirahan sa mga nakapulupot na dahon nito. Marahil, sila ay mga paru-paro kapag lumaki na.
Magandang tignan ang matingkad na kulay ng alugbati na gumagapang sa gilid ng bahay namin. Sabi ni Mama, nanghingi siya nito para itanim dahil nagandahan lang siya. Wala pa ito noong isang taon nang umuwi ako. Sabi ko naman sa kanya, ginugulay ito, pwede namang ihalo sa mga ginigisang gulay.
Palmera ang tawag sa punong napapalibutan ng mga patpat. Kapamilya ito ng niyog kaya naman mataas din ang punong ito kapag lumaki na. Meron kami nito dati na lumaki na halos at pumantay na sa bahay namin. Mas matanda pa nga ata iyon sa'kin. Pinaputol ng nanay ang puno dahil lumaki nang lumaki. Para talaga itong niyog - namumulaklak din tulad ng sa niyog at namumunga.
Ang likurang bahagi ng aming bakuran. Naghalo-halo dito ang iba't-ibang puno at halaman tulad ng kalamansi, saging, cacao at iba pa.
No comments:
Post a Comment