Showing posts with label Katatakutan. Show all posts
Showing posts with label Katatakutan. Show all posts

Tuesday, January 31, 2012

OKA TOKAT! WHO TURNED ON THE MICROWAVE?





Ika-limang araw ng bagong taon. Ugali ko nang pumasok ng maaga sa opisina. Marahil ng araw na iyon, mga ala cinco y media o bago pa man ay nasa opisina na ako.

Pagdating ko sa opisina, may mga CS nang nauna sa’kin. Mga apat sila sa bilang ko; dalawang babae at dalawang lalaki. Ilang ilaw palang ang nakabukas sa parte kung nasaan nakapwesto kaming mga CS.  Ngunit sa kabilang banda kung nasaan naman ang ibang department, bukas na ang mga ilaw dahil madaling araw ang kanilang pasok.

Tahimik pa ang parteng iyon ng CS kapag mga ganuong oras. Dumiretso ako sa aking station. Isang hilera pa ng mga station ay ang station naman ng Collections. Mag-isang nakaupo sa hilerang iyon ang isa sa mga leader nila.  Nakapatay din ang mga ilaw sa parteng iyon na kung saan ako nakaupo. Ngunit hindi naman masasabing madilim dahil nga may mga ilan na ring nakabukas na ilaw at naliliwanagan ng mga nakabukas na ilaw mula sa Collections. Ilang hakbang naman mula sa mga hilerang iyon ng station kung saan ako nakaupo ay ang pantry area. Dahil na rin sa katahimikan pa ng mga sandaling iyon, hindi maikakaila na maririnig mo ang mga simpleng kaluskos o tunog na maaaring likhain nino man.

Matapos kong ilapag ang aking almusal at ilang gamit sa aking station, pumunta naman ako sa aking locker para isilid ang aking bag.

Maya-maya pa’y muli akong pumunta sa aking station para kunin ang aking pagkain. Nakita ko namang tumayo at paalis sa kanyang station ang nag-iisang lider ng Collections na kanina’y nakaupo.

Ilang hakbang lang at lumiko ako papasok sa pantry area. Rinig ko ang tunog na likha ng nakabukas na microwave tanda na ito’y ginagamit para initin ang kung ano man. Walang ibang tao sa may pantry area ng mga sandaling iyon. Inakala kong baka umalis lang sandali ang sino mang nag-iinit sa microwave at muling babalik.

Medyo nainip ako sa paghihintay. Sa tingin ko, mahigit sa dalawa o tatlong minuto ang itinagal ng pag-ikot ng microwave hanggang sa kusa itong tumigil. Nakiramdam ako sa aking paligid sa kung sino mang darating sa pantry para buksan ang microwave at kunin ang pagkain mula roon.

Ngunit walang bakas ng kung ano man o sino man para kuhanin ang pagkain mula sa loob ng microwave. Kaya naman, mapangahas kong binuksan ang microwave upang ilabas ang kung ano mang nasa loob nito at para mainit ko ang aking pagkain.

Lubha akong nagtaka at namangha ng malamang walang laman ang microwave. Sumatutal, tumunganga ako ng ilang minuto sa pantry ng mag-isa sa paghihintay sa microwave ngunit wala naman pala itong laman na iniinit.  

Imbes na takot ang pairalin, inunawa ko na lang na may naglalaro na naman sa akin ng sandaling iyon. Imposibleng kanina pa nakabukas ang microwave dahil sa katahimikan ng lugar ng oras na iyon, kanina ko pa sana naririnig ang pag-ikot nito ng ilapag ko ang aking pagkain sa aking station. Ikalawa, walang ibang taong pumunta sa pantry liban sa akin. At ikatlo, wala naman sa mga empleyado ang maglalaro lang ng microwave, magbubukas at paaandarin lang.

Ilang araw lang bago nito ay nakakita ako ng doppelganger.

Friday, January 6, 2012

OKA TOKAT! DOPPELGANGER PART II




Ikatlong araw ng bagong taon. Dahil sa ninanis kong matapos ang iba kong gawain, lagpas ala cinco nang hapon ng ako ay magdesisyong umuwi sa opisina. Si Rachel, katrabaho ko, ay ganoong oras na rin umuwi. Tinanong ko siya kung saan siya sasakay para sabay na kaming maglakad. Sabi niya, doon sa papuntang Megamall. “Sabay na tayo”, sabi ko. “Magyoyosi pa kami ni Kathrina.” Dagdag ni Rachel. “Sa baba kayo magyoyosi?” tanong ko. Ngunit sa taas pala sila magyoyosi ni Kathrina na noo’y nakabreak lang.

Nakapaghanda na ako ng mga oras na iyon. Natapos ko na ang mga bagay na kalimitan kong ginagawa bago umuwi. Habang inaayos ko ang aking gamit sa bag, mula sa pintuang salamin ng opisina, nakita ko si Jomar sa labas na parang may hinihintay. Marahil, inaantay niya sina Rachel at Kathrina para makasama magyosi sa taas.

Kanina’y nagdesisyon akong di na lang sasama kay Rachel dahil magyoyosi pa sila sa taas. Kakain pa ito ng ilang minuto hanggang sa matapos sila. Ngunit nang paakyat na sila ng hagdan, humabol ako kina Rachel. Nakasunod lang ako sa kanila paakyat.

Nang makaakyat kami sa taas na palapag ng opisina, nakipagkamustahan ako kay Grace. Kaya naman nahuli akong makapunta sa sky court. Nang buksan ko ang pinto palabas, may tatlong ibang nagyoyosi. Nagbigay pugay naman ako sa kanila sa pamamagitan ng pagtawag sa mga pangalan nila.

Maliit lang ang sky court kaya isang dipa lang siguro, nakatayo na sa kabila sina Rachel at Kathrina habang nagyoyosi. “Asan si Jomar?” tanong ko sabay tingin sa kabilang dako ng sky court. Ang sky court kasi ng building na iyon ay letrang “L” ang istilo.

Nagulat ako sa sagot nila Rachel at Kathrina. Hindi ko maikakailang wala nga sa lugar na iyon si Jomar. Hindi nila kasama at lalong hindi nila nakita si Jomar. Wala ring pang-ala cinco na break sa kanila kaya malabong makasama nila si Jomar. Napag-alaman ko ring naka-leave pala si Jomar ng isang linggo.

Nagpaliwanag naman ako sa dalawa. Mula sa kinatatayuan ko kanina habang nag-aayos ng aking bag, sigurado akong si Jomar nga ang aking nakita mula sa salaming pinto. Nakatingin siya sa loob at sa hitsura niya, hindi ko maikakailang si Jomar nga iyon; ang kanyang taas, ang hulma ng kanyang buhok, ang kanyang pangangatawan at ang kanyang kasuotan.  

Habang pababa sa hagdan, ipinagpipilitan kong nakita ko nga si Jomar. Bumalik na si Kathrina sa loob ng opisina at habang nagkukwento ako kay Rachel habang naghihintay sa elevator, tumitindig ang aking balahibo. Naikwento ko rin sa kanya ang parehong pangyayari nang makita ko naman si Ryan sa opisina ngunit wala palang pasok sa araw na iyon. Si Ryan ay ka-team ni Jomar.

Namalik-mata nga lang ba ako? Ibang tao ba ang aking nakita? O kaya’y isa na namang huwad na multo ang aking nakita; nanggagaya ng taong buhay?


Tuesday, November 1, 2011

KABABALAGHAN WITH NOLI DE CASTRO


Naging tradisyon na ng bawat tahanang Pilipino ang pagtunghay sa mga kwentong puno ng misteryo at kababalaghan. Katulad ng mga hindi pangkaraniwang nilalang, mga elementong hindi nakikita at mga misteryosong nagaganap na walang kapaliwanagan. Mga kuwentong nagdudulot ng takot at pangamba at mga karanasang sumusukat sa ating pananalig at pananampalataya. Ngayong gabi, mga panibagong makatindig balahibong istorya ang gigising sa inyong kamulatan. Samahan nyo kaming silipin ang mundo ng KABABALAGHAN.







CLICK THE IMAGE TO WATCH THE VIDEO