Si Cheryl ay
isinilang at lumaki sa Lipa. Mayroon siyang kakambal, si Shirley. Pareho silang
maganda at walang itulak kabigin sa kanila. Bawat isa ay may katangian na tiyak
na magugustuhan ng sinumang lalaki.
Si Cheryl ay magaling mag-drawing. Napakahusay ng
kanyang kamay sa paggawa ng mga paintings. Magaling din siyang sumayaw at
kumanta. Samantala, si Shirley ay mahilig naman sa sports. Nage-excel siya sa
mga larong pampalakasan sa eskuwelahan lalo na sa swimming. Marami siyang
medalya at trophy na natanggap at ang mga iyon ay naka-display sa kanyang
silid.
Third-year college na silang pareho nang dapuan si Shirley ng
karamdaman. Na-detect ng doktor na mayroon siyang breast cancer at iyon ay
Stage 2 na.
Binawalan na si Shirley na sumali sa mga competitions dahil mahina na
ang kanyang katawan pero hindi iyon ininda ng dalaga. Ilang inter-university
competition pa ang sinalihan niya at nanalo naman siya.
Noong nasa 4th year college na si Shirley ay lumubha ang kanyang kanser.
Bagaman uma-absent siya sa eskuwelahan, hindi niya ipinaaalam na mayroon siyang
kanser. Hanggang sa sumapit ang final competition sa swimming kung saan siya
kalahok.
Ang mananalo sa competition na iyon ay lalahok sa Beijing, China. Mahinang-mahina
si Shirley at alam ni Cheryl na hindi makasasali ang kapatid. Maging ang mga
magulang nila ay malungkot dahil alam nila na iyon ang pinakaaasam-asam ni
Shirley.
Ilang araw bago maganap ang kumpetisyon ay kinausap ni Sherly ang
kakambal. Pinakiusapan nito na sumali sa contest at magkunwaring siya.
Hindi pumayag si Cheryl pero nang umiyak si Shirley ay tinanong niya ang
mga magulang kung ano ang nararapat gawin. Hirap sa pagdedesisyon ang mga
magulang kaya si Cheryl din ang tinanong kung kaya ba niyang sumali. Alam kasi
nila na 'di hamak na mas mahusay si Shirley sa paglangoy kumpara sa kakambal.
Pero naglambing si Shirley sa kapatid at hiniling na sumali sa
competition. Sinabi pa niya na ipagdasaral niya na manalo si Cheryl. Bagaman
napipilitan lamang, pinagbigyan ni Cheryl ang kapatid lalo na nang sabihin nito
na iyon ang kanyang huling kahilingan.
Noong araw ng laban, nagdaan si Cheryl sa ospital para magpaalam sa
kapatid. Hiniling nito na ipagdasal siya ng kakambal para huwag lumabas na
kahiya-hiya.
Bago magsimula ang competition ay nakaramdam ng kakaiba si Cheryl.
Nanlamig ang buo niyang katawan at tila may kuryenteng pumasok sa kanyang mga
paa. Pakiramdam ni Cheryl ay may espiritu na pumasok sa katauhan niya.
Nang oras na ng competition at kasalukuyang nakikipagbuno si Cheryl ay
para siyang malaking isda na lumalangoy sa dagat. Napakabilis ng kanyang kilos
at malayo ang agwat niya sa kalaban. Siya ang itinanghal na kampeon.
Pag-ahon sa tubig, nakita niya ang ama at kapatid na bunso na umiiyak.
Buong akala ni Cheryl ay naiyak ang mga iyon sa tuwa. Hindi niya alam na habang
nasa swimming pool siya ay yumao na si Shirley.
Nalaman lamang ni Cheryl na patay na ang kakambal nang sabitan siya ng
medalya at ihayag na magtutungo siya sa China bilang kinatawan ng Pilipinas sa
inter-university competition.
Hindi makapaniwala si Cheryl nang marinig ang balita. Ngatal ang katawan
niya na yumakap sa ama. Sa morgue na niya inabutan ang kakambal at doon niya
inialay ang medalya. Suot ni Shirley ang medalya nang iburol.
Habang nakaburol ang kapatid, napag-isip-isip ni Cheryl na pumasok sa
katauhan niya ang kaluluwa ni Shirley kaya kakaiba ang pakiramdam niya bago
magsimula ang competition.
Gabi-gabi, binubulungan ni Cheryl si Shirley na tulungan siya sa
competition para maging over-all champion. Kahit nakahimlay na ang kakambal,
tila nagkaintindihan ang dalawa. Alam ni Cheryl na hindi siya pababayaan ng
kapatid. Makalipas ang libing, nagbago ang interes ni Cheryl. Pansamantala
niyang kinalimutan ang pagpipinta at lagi siyang nag-eensayo ng swimming. Pati
ibang exercise na paboritong gawin ng namatay na kakambal ay siya niyang ginagawa
palagi.
Isang linggo bago ang competition, tumulak patungong China si Cheryl.
Samantala, sumunod ang kanyang ama dalawang araw bago ang araw ng kumpetisyon.
Gabi-gabi, kinakausap ni Cheryl si Shirley. Hinihiling sa kapatid na
tulungan siyang manalo. Bagaman hindi nakikita ang kakambal, nararamdaman ni
Cheryl na binabantayan siya ng kapatid.
Pagsapit ng araw ng competition, muling nakaramdam ng kakaiba si Cheryl.
Sa pagkakataong iyon, nasisiguro niya na ginagabayan siya ng kapatid.
Alam din niya na papasok sa katauhan niya ang kaluluwa ni Shirley para
manalo sa swimming competition. At gayon nga ang nangyari. Nagwagi si Cheryl at
siya ang tinanghal na champion. Pagbalik sa Pilipinas, pinarangalan siya sa
unibersidad na pinapasukan.
Nang magtapos siya ng kolehiyo, binigyan siya ng award bilang Best
Female Athlete. Bagaman siya ang tumanggap ng medalya, dinala ni Cheryl ang
medalya sa puntod ng kapatid at inialay iyon sa kanya. Alam kasi ni Cheryl na
iyon ay para sa kakambal niya na siyang tumulong sa kanya para manalo sa
labanan.
Nakapangingilabot ang ikinuwento ni Cheryl pero naniniwala ako na siya
ay nagsasabi ng totoo.
Maraming pangyayari ang nagaganap sa paligid na mahirap ipaliwanag pero
totoong nangyayari. Isa na rito ang pagpasok ng kaluluwa ni Shirley sa katauhan
ng kapatid. Nakatutuwang isipin na maski nasa kabilang buhay na ang dalaga ay
ginagabayan pa rin ang kanyang kakambal.
SOURCE
SOURCE
No comments:
Post a Comment